Timbog ang isang babae at isang lalaki na mga nagpanggap pa umanong magkasintahan para makapagnakaw ng mga tangke ng LPG sa isang tindahan sa Barangay Alijis, Bacolod City.
Sa ulat ni John Sala ng GMA Regional TV sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanood sa CCTV na tila sweet pang naglalakad ang mga suspek sa kalsada.
Maya-maya pa, bumalik ang lalaki na may suot nang face mask, at nagpunta sa mga LPG tank na naka-display sa isang tindahan.
Winasak niya ang padlock at mabilis na tinangay ang dalawang tangke.
Hindi na nakunan sa CCTV ang pagdala niya ng mga ninakaw na tangke sa kasamahang babae.
“Pinuwersa niyang (buksan) ang lock. Sa tagal, nabuksan rin niya. Nagtaka ang gwardya na bukas na ito,” sabi ng empleyadong si Elias.
Gayunman, naitawag ang atensyon ng mga awtoridad kaya mabilis na naaresto ang dalawa.
Sa isang video, makikitang karga na sa kanilang tricycle ang mga LPG tank.
"Ang premises namin protected by CCTV cameras. Twenty four hours shift ang mga guwardiya namin. Nakita niya na may nagbibitbit ng dalawang LPG sa other side kaya lumabas siya. Sinigawan niya. Tumakbo ang kawatan," sabi ni alyas Celso, may-ari ng tindahan.
Sinabi ng Bacolod City Police na walang nakitang dating record ng pagnanakaw ang dalawang nadakip.
Nagpanggap umano ang dalawa na nagsa-sightseeing bilang magkasintahan. At nang makakuha ng tiyempo, doon na nila ginawa ang krimen.
Hindi pa nagbibigay ng kanilang reaksiyon ang mga suspek, na naibalik na ang mga ninakaw na LPG tank.
Hindi na magsasampa ng reklamo ang may-ari. — Jamil Santos/VBL GMA News
