Wala na sa Senado si Senator Ronald "Bato" dela Rosa, pagkumpirma ng isang senador nitong Huwebes.

Batay sa senador, sinabi ng isang miyembro ng Senate secretariat na umalis si Dela Rosa sa looban ng Senado Huwebes ng madaling araw. Ayon sa secretariat staff, umalis si Dela Rosa bandang 2:30 a.m.

Huling nakita si Dela Rosa kasama ang kaniyang mga tauhan habang pasakay sila ng elevator noong Miyerkoles. Nanggaling siya sa opisina ni Senate President Alan Peter Cayetano.

Sa isang larawang inilabas ng mayorya ng Senado, hindi nakita sina Dela Rosa, pati sina Senador Robin Padilla at Rodante Marcoleta sa caucus kasunod ng pagtatapos ng sesyon.

Sinabi rin ni Interior Secretary Jonvic Remulla na "safe" si Dela Rosa at may mga kasamang security personnel matapos ang tensyon at lockdown sa gusali ng Senado.

Sa Facebook, nag-post ang legal counsel ni Dela Rosa na si Israelito Torreon, ng mga litrato kasama ang senador sa Senado bandang 12:45 a.m.



Samantala, nito ring Huwebes, sinabi ng abogado na si Jimmy Bondoc na sa pagkakaalam niya, nasa Senado pa rin si Dela Rosa.

“I will give you based on my personal knowledge na nandiyan pa siya [Bato], but since I’m still here outside, I cannot check. Pero as of last night nandiyan siya, nag-uusap kami,” sabi ni Bondoc sa isang tweet ni EJ Gomez ng GMA News.

Nakipag-ugnayan na ang GMA News kina Dela Rosa at Cayetano para sa komento.

Noong Miyerkoles ng gabi, umalingawngaw ang mga putok ng baril sa Senado sa gitna ng lockdown sa mataas na kapulungan.

Itinanggi ng National Bureau of Investigation (NBI) na nagpadala sila ng kanilang mga ahente sa Senado. Sinabi rin nito na kasalukuyang nasa isang tatlong araw na fellowship event sa isang hotel ang kanilang mga opisyal.

Sinabi ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. na walang utos na arestuhin si Dela Rosa.

Subject si Dela Rosa ng isang warrant of arrest na inisyu ng International Criminal Court kaugnay ng mga krimen laban sa sangkatauhan na kinasasangkutan ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Inilagay siya sa ilalim ng protective custody ng Senado matapos tangkaing ihain sa kaniya ng mga ahente ng National Bureau of Investigation ang warrant of arrest. —Jamil Santos/ VAL GMA News