Dahil naaagnas na nang matagpuan ang mga labi ng dalawang batang lalaki na nakita sa loob ng isang sasakyan sa Naga City, Cebu, kaagad na inilibing ang kanilang mga bangkay. Nais ngayon ng mga magulang ng mga bata na hukayin ang kanilang mga labi at isailalim sa awtopsiya dahil sa hinala na hindi aksidente ang kanilang pagkamatay.
Sa ulat ni Joann Gantalao ng Super Radyo Cebu nitong Huwebes, sinabing nakita ang mga labi ng dalawang batang magkaibigan na kapuwa edad pito, sa nakaparadang kotse sa Purok Yosom Sitio Bantayan, Brgy. Tuyan sa Naga City noong Miyerkoles.
Huling nakitang buhay ang dalawang bata na sina Remart Cunag at Jeff Xian Abellar noong Linggo.
Ayon kay City of Naga Police station chief Police Lieutenant Colonel Dexter Calacar, Martes nang i-report sa kanila ng mga magulang ang pagkawala ng mga bata.
Batay sa CCTV footage, lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na naglalaro ang dalawa at nakarating sa parking area kung saan natagpuan ang kanilang katawan sa loob ng isang nakaparadang sasakyan.
Posible umanong nakapasok sa kotse ang dalawa at nakulong nang maka-lock ang sasakyan.
Matagal na umanong nakaparada sa lugar ang kotse matapos na pumanaw ang may-ari.
Walang nakitang foul play sa insidente ang mga awtoridad. At dahil nagsisimula nang maagnas ang mga labi, inilibing kaagad ang mga bata.
Sa ulat ni Alan Domingo sa GMA Regional TV Balitang Bisdak, inihayag ng mga magulang ng mga bata ang hangarin nilang hukayin ang mga labi ng mga anak para mapa-autopsy upang matukoy ang sanhi ng kanilang pagkamatay.
Duda ang mga magulang na walang foul play sa nangyari sa mga bata dahil may nakita umanong dugo at sugat sa kamay ni Remart, na maaari umanong sinaktan.
Nais din nilang mapabendisyonan o mabigyan ng misa ang mga bata na hindi na umano nagawa dahil kaagad na ipinalibing ang mga ito. –FRJ GMA News
