Sugatan ang isang dayuhang Amerikano matapos siyang saksakin ng lalaking nanghingi ng P10 at nag-alok ng “proteksyon” sa Bacolod City.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Martes, makikita sa CCTV footage na nakaupo sa labas ng isang convenience store ang biktima habang nakatayo sa tabi niya ang kaniyang partner na Pinay.

Maya-maya lang, lumapit sa kaniya ang suspek at may ibinulong sa biktima. Nahagip din na bumunot ng patalim ang lalaki at tila itinutok niya sa tagiliran ng Amerikano.

Pero nakaiwas ang biktima at tumayo. Gayunman, lumapit pa muli sa kaniya ang suspek kaya napatakbo na ang Amerikano.

Ayon sa ulat, nasaksak pa rin ng suspek ang biktima na dinala sa pagamutan pero nakaligtas.

Kuwento ng partner ng biktima, lumapit ang suspek at nanghingi ng P10. Nagtanong pa umano ang lalaki sa dayuhan kung kailangan nito ng proteksiyon basta magbayad sa kaniya.

Pero hindi raw kaagad nakapagbigay ng pera ang biktima dahil wala itong cash nang sandaling iyon.

Patuloy na tinutugis ng mga pulis ang suspek, habang hinihintay naman ang biktima na maghain ng reklamo matapos na tumuloy ito sa takdang destinasyon nang mangyari ang insidente. – FRJ GMA News