Naging mahalaga ang pagdating ni Senador Francis “Chiz” Escudero sa Senado nitong Miyerkoles, upang magkaroon ng quorum ang grupo ni Senador Tito Sotto na dating minorya, at makapagsagawa ng sesyon at ideklara ang reorganisasyon sa kapulungan.

Sa isang pahayag, ipinaliwanag ni Escudero kung bakit dumalo siya sa sesyon at naging bahagi ng bagong mayorya. Dating kaanib ang senador sa grupo ni Senate President Alan Peter Cayetano, na ayon sa bagong majority bloc ay tanggal na sa naturang posisyon.

Ayon kay Escudero, higit kanino pa man, isinaalang-alang niya ang kapakanan ng Senado bilang institusyon na dalawang araw nang hindi nakapagsagawa ng sesyon dahil sa hindi pagsipot ng grupo ni Cayetano.

“This is not a political contest. I am not taking sides. I am taking a stand for the Senate. My allegiance is not to any faction, personality, group or alliance. This is not about loyalty, betrayal, or choosing one group over the other—this is about duty,” anang senador.

Giit pa niya, hindi maaaring manatili sa naturang sitwasyon ang Senado na hindi maisagawa ang trabaho at naapektuhan ang tungkulin ng kapulungan sa bansa.

“Ito ang rason at dahilan ng aking pasya ngayong araw na ito. Hinihiling ko ang inyong pag-unawa sa amin, kasabay ng inyong panalangin para sa inyong Senado na malampasan ang hamon na ito at patuloy na magampanan namin ang aming tungkulin sa inyo at sa sambayanan,” pagtatapos niya.

Bago lumipat ng “bakod” si Escudero, mayroong 11 senador na kaalyado ang grupo ni Sotto. Mayroon ding naiwan na 11 senador na kaalyado si Cayetano matapos na makulong ang isa niyang kapanalig na si Sen. Jinggoy Estrada dahil sa kasong graft at plunder sanhi ng pagkakadawit sa flood control scandal.

Itinanggi ni Estrada ang alegasyon laban sa kaniya.

Nagtatago naman ang isa pang kaalyado ni Cayetano na si Sen. Bato dela Rosa, dahil sa arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court, dahil naman sa pagkakadawit niya sa war on drugs campaign ng dating administrasyong Duterte na marami ang nasawi.

Sa paglipat ni Escudero ng bakod, umakyat sa 12 ang kasapi ng grupo ni Sotto, habang naging 10 naman ang grupo ni Cayetano na maaaring dumalo sa sesyon.

Kasunod ng isinagawang sesyon ng grupo ni Sotto, inihalal nila na acting Senate President at Pro tempore si Sen. Sherwin Gatchalian. Naghalal din sila ng mga bagong pinuno ng mga komite.

Matapos ang sesyon, sumama si Escudero na nagpakuha ng larawan kasama ang grupo ni Sotto na bagong mayorya.

Sa kaniyang Facebook live, iginiit naman ni Cayetano na siya pa rin ang Senate President dahil 13 senador ang kailangan para makapaghalal ng pinuno ng Senado, alinsunod na itinatakda ng batas.

Walang hininging kondisyon

Sa panayam ng GMA News 24 Oras nitong Miyerkoles, sinabi ni Sen. Ping Lacson, na walang hininging kondisyon si Escudero bilang kapalit sa pagdalo niya sa sesyon ng grupo ni Sotto.

"As fas as I know, he did not ask for anything, he did not set any preconditions. He joined the session voluntarily, based on his statement, to break the impasse and preserve the integrity, dignity and reputation of the Senate," sabi ni Lacson.

Idinagdag ni Lacson na hindi rin napag-usapan ng kanilang grupo ang posibleng kaso na kaharapin ni Escudero tungkol sa flood control anomalies.

Sa ilalim ng pamumuno noon ni Lacson sa Blue Ribbon Committee, kabilang ang pangalan ni Escudero sa hanay ng mga senador na nabanggit sa sangkot umano sa nangyaring iregularidad sa paggamit ng pondo para sa flood control projects.

Hindi naging opisyal ang resulta ng imbestigasyon dahil hindi ito nakakuha ng sapat na bilang ng pirma ng mga senador na kasapi ng komite. Gayunpaman, sinabi ni Lacson na ipinadala ang report sa Office of the Ombudsman upang magamit sa kanilang imbestigasyon.

"Nasa kaniya (Escudero) na [para] ipagtanggol ang kaniyang sarili sa nagaganap na imbestigasyon. Wala na sa kamay namin iyon. Naipadala ko na sa Ombudsman ang lahat ng ebidensya. Bahala na ang Ombudsman to evaluate," ayon kay Lacson. – FRJ GMA News