Pinag-aaralan ng Japan ang mga hakbang upang mas mapadali ang pagpunta ng mga Pilipino sa nabanggit na bansa sa pamamagitan ng mas magaang at mas mabilis na proseso ng pagkuha ng visa, ayon kay Japanese Ambassador to the Philippines Endo Kazuya.
“Actually, this is one of the most frequently asked questions against me. Our embassy has been making steady efforts to improve and streamline the application processes,” sabi ni Endo sa ulat ng “24 Oras Weekend” nitong Linggo, patungkol sa posibilidad pa ng visa-free entry para sa mga Pilipino.
“We will continue to explore what better further arrangements may be possible going forward,” dagdag niya.
Ayon sa embahador, malayo na ang narating ng relasyon ng Pilipinas at Japan, at ang ugnayan ng mga mamamayan ng dalawang bansa ang isa sa mga pangunahing pundasyon nito.
Isinasaalang-alang ng Japan ang mga pangunahing dahilan sa pagpapagaan ng visa requirements, kabilang ang posibleng epekto nito sa kaligtasan ng publiko, pambansang seguridad, ekonomiya, at lipunan.
Upang matugunan ang pagdami ng mga aplikasyon para sa visa, nagbukas ang Embahada ng Japan ng mga espesyal na visa application center at nagpatupad ng e-visa system para sa mga bibiyahe na sasama sa package tours na inorganisa ng mga itinalagang travel agency.
Mula noong 2024, pinagaan na ng Japan ang mga kinakailangan para sa multiple-entry visa para sa mga Pilipinong may sapat na antas ng kita.
Bukod dito, hindi na kinakailangang kumuha ng visa ang mga Pilipinong may diplomatic passport simula noong Oktubre 2024. — FRJ GMA News

