Nakatakdang magsampa ng reklamo ang National Bureau of Investigation (NBI) laban sa dating kongresista na si Mike Defensor dahil sa kaugnayan niya umano sa isang KTV bar and hotel sa Pasig City na sinalakay dahil sa mga gawain na sangkot umano sa human trafficking.
Sinabi ni NBI Director Melvin Matibag nitong Miyerkoles na matapos pag-aralan ang mga dokumento, kabilang ang floor plan ng mga establisimyento, lumalabas na bahagi si Defensor ng nagaganap umanong human trafficking.
"Alam lahat ni Mike Defensor nu'ng nangyari, being the chairman of the company," sabi ni Matibag sa isang punong balitaan.
Noong Abril, nagsampa ng reklamo ang NBI laban sa asawa at anak ni Defensor, na sinabing ang asawa ng dating kongresista ang nagsisilbing presidente ng kompanyang nagmamay-ari ng hotel.
Sinabi ni Matibag na hindi naaayon sa isinumite sa tanggapan ng city engineer ang disenyo ng bar and hotel.
"Marami silang pinalitan to accommodate 'yung Chicago KTV from the start pa lang," sabi niya.
Ayon kay Matibag, halimbawa ang paglipat ng entrance ng KTV, pati na rin ang mga pasilyo. Aniya, direktang papunta sa hotel ang hagdan mula sa KTV sa unang palapag.
Nakipag-ugnayan na ang GMA News Online kay Defensor para sa komento ngunit hindi pa siya sumasagot hanggang sa oras ng paglathala. Ilalabas ang kanyang pahayag sakaling maglabas na ang kanyang kampo.
Nauna nang itinanggi ng asawa ni Defensor na si Julie ang mga paratang laban sa kaniya. Ayon sa kaniya, isang "orchestrated smear campaign" ang motibo.
Nauna rito, sinabi ng NBI na may kabuuang 54 kababaihan ang nasagip sa operasyon, na nag-ugat sa mga ulat mula sa isang kumpidensyal na impormante tungkol sa recruitment at exploitation umano ng mga kababaihan para sa mga serbisyong seksuwal.
Sinabi pa ng NBI na pinili umano ang mga kababaihan ng mga customer at dinala sa isang hotel matapos iharap sa pamamagitan ng isang "line-up" system.
May kabuuang 15 indibiduwal ang naaresto mula sa operasyon, habang narekober ng mga awtoridad ang marked money, pinaghihinalaang ilegal na droga, mga kagamitan sa droga, at mga documentary evidence.
Isinuko sa mga awtoridad sa social welfare ang 54 kababaihan. — RSJ GMA News

