Naaresto na ang lalaking nahuli-cam na nananakit ng dalawang nakatatandang pasaherong lalaki sa loob ng isang jeepney sa Muntinlupa City. Ayon kay Mayor Ruffy Biazon, namamalimos ang suspek na “sabog” sa sinisinghot na kemikal.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, makikita sa nag-viral na video ang isang matandang lalaki na sinusubukang ipagtanggol ang sarili laban sa lalaking walang damit at may hawak na tila bagay sa isang kamay.

Bagaman nagawa niyang mapababa ang suspek noong una, umakyat muli ang nakahubad na lalaki at ditto na sumenyas ang matandang lalaki na suko na siya.

Pero hindi pa tapos sa pagwawala ang suspek at nilapitan naman niya at pinagsisipa ang isa pang matandang pasahero na nakahandusay na sa sahig ng jeep.

Wala nang nagawa ang ibang pasahero na mga babae kundi umiyak at sumigaw dahil sa nangyayari at takot.

Kinalaunan, umalis din ang suspek pero naaresto rin siya mga awtoridad.

“Yung area kasi na pinanggalingan is just within the area of Substation 3, so immediate yung ating pag-responde doon,” ayon kay Police Colonel Olivia Cayuhan Ancheta.

Nang hingan ng pahayag ang suspek, sinabi niya na: “Di ko po alam e. ‘Di ko na po natatandaan…Nakasakay lang ako sa jeep eh… May naakaaway po ako.”

Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang insidente, pero ayon kay Muntinlupa Mayor Ruffy Biazon, batay sa nakalap niyang impormasyon, namamalimos ang suspek at inaaway ang mga tao na hindi magbibigay ng limos.

“Ang nakuha ko lang nga e sumakay nga doon sa passenger jeep [yung suspek] at 'yung typical na nanghihingi, nangha-harass kapag ‘di mo nabigyan,” ayon sa alkalde. “I think it escalated doon kasi high on substance, substance abuse.”

Aminado ang alkalde na dati nang problema sa lugar ang mga katulad ng suspek.

“In the past, sila ay ma-aaprehend pero there is not much na magamit para sila ay ma-contain. Usually, nababalik lang sa community, so community work ang paiigtingin namin ngayon,” ani Biazon said.

“Nagbigay na rin ako ng instruction na mag-focus sa area na ’yan lalo na at main thoroughfare siya na dinadaanan ng maraming pasahero,” dagdag ng alkalde.

Maayos na umano ang kalagayan ng mga biktima, habang sasampahan ng reklamong physical injury ang suspek. – FRJ GMA News