Bukod sa nasawing Boy Scout na si Chris Lorenz Fabian, maituturing ding bayani ang isa pang mag-aaral na kasama niyang humarang sa pinto ng kanilang silid-aralan para hindi makapasok ang dalawang namaril sa San Jose National High School sa Tacloban. Ang isa namang estudyante, bumalik sa paaralan upang tulungang makalabas ang ibang kapuwa estudyante na sugatan.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo Jessica Soho,” ipinakilala si “Mark,” hindi niya tunay na pangalan, na kasama ni Fabian na humawak sa kandado ng pinto para hindi ito mabuksan.

ALAMIN: 2 menor de edad, paano isinagawa ang pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban?

Ang naturang tagpo ng kabayanihan nina Fabian at Mark ay makikita sa nag-viral na video.

Sa kasamaang-palad, nagpaputok mula sa labas ang isa sa dalawang namaril at tinamaan si Fabian na siyang ikinamatay niya. Nakaligtas naman si Mark at hindi tinamaan ng bala.

“Pagpaputok po nila doon, nag-alerto na po kami na mag-lock ng pinto. Tapos ‘yun po, binalikan ‘yung classroom namin, tsaka binubuksan nila,” kuwento ni Mark.

Nais daw nina Mark at Fabian na manatiling buhay ang mga kapwa nila mag-aaral.

“Kasi gusto po namin maligtas ‘yung lahat po kami doon sa classroom,” sabi niya. “Mayroong po umiiyak, mayroong po sumisigaw.”

Naging saksi ang naturang classroom nina Fabian at Mark sa bangungot na naranasan ng mga estudyante at guro sa itinuturing na pinakaunang mass school shooting sa Pilipinas.

Bago ang trahediya, nahagip pa sa CCTV camera sa kanilang bahay si Fabian na masayang umalis upang pumasok sa paaralan nang araw na iyon at may bitbit na badminton.

“Tinatago niya po 'yung kaniyang badminton. Kasi po, pinapagalitan ko siya kasi mahilig po siyang magpahiram tapos pagbalik po sa kaniya, sira na. Kaya 'yung parang sa kaniya po, masaya siya na hindi ko po siya napagalitan dahil hindi ko po nahuling bitbit niya po 'yung badminton niya,” kuwento ni Bea, ina ni Fabian.

Inalala rin ni Bea ang mga huling sinabi ng kaniyang anak sa mga kaklase nang matamaan na ito ng bala.

“‘Iwanan niyo na ako, tutal may tama na ako, nabaril na ako, lumabas na kayo’ para maligtas ‘yung mga sarili nila,” ani Bea tungkol sa bilin ng anak.

Isang beses lamang daw pinanood ni Bea ang video ng kabayanihan ng anak.

“Ako po, isang beses ko lang po pinanood. Masakit po. Hero nga po siya, ma'am Jess, pero wala na siya. Masakit po. Mapagbigay po ‘yan. Kahit po 'yung baon niya, sine-share niya po. Kahit uuwi na lang po siyang maglalakad, hindi po siya nagdadamot sa mga kaibigan at classmates niya po,” pag-alala ni Bea sa kaniyang anak.

Bumalik para magligtas

Samantala, kahit nakalabas na at nakaligtas mula sa mga namaril sa paaralan, pinili pa rin ng estudyanteng si “Rocky,” ‘di niya tunay na pangalan, na bumalik upang tumulong sa pagligtas ng mga kapuwa mag-aaral.

Kabilang si Rocky sa mga estudyanteng tumulong sa pag-rescue (kasama ang mga pulis, bumbero at mga guro) at tulungan ang ibang takot na takot na mag-aaral na makalabas, pati na ang mga sugatan.

Ayon kay Rocky, apat ang kaniyang mga nabuhat na estudyante.

“Dalawa 'yung may sugat. 'Yung dalawa na parang hindi na nakakahinga, na-trauma ata,” kuwento niya.

Kilala raw ni Rocky ang isa sa mga namaril, na officer pa nila sa klase.

“Mabait naman siya. Tapos ano pa, officer pa namin siya sa room namin. Hindi siya nagsasalita sa room. Hindi siya nakikipag-usap,” sabi niya.

“There were 11 who was brought to us and then we have three gunshot wound-related injury. But 'yung isa, we immediately refer it to Eastern Visayas Medical Center because of the gunshot wound in the head,” ayon kay Dr. Gloria Enriquez-Fabrigas, Chief ng Tacloban City Hospital.

Karamihan sa mga na-discharged ang mga nakaranas ng panic attack, hyperventilation, at may grazing wound ang iba.

Tatlong ang estudyante ang namatay, habang 20 pa ang sugatan, matapos ang pamamaril ang isang 14-anyos at isang 15-anyos na estudyante sa paaralan noong Hunyo 22.

Panawagan ngayon ng mga kaanak ng biktima ang mapanagot ang mga salarin, pati ang kanilang mga magulang. Panoorin ang buong video. – FRJ GMA News