Naging usap-usapan sa Japan at nakatawag-pansin din sa ibang bansa ang ginawang paggamit ng isang alkalde sa Japan ng maternity leave.
Sa ulat ng Reuters, hindi inakala ni Shoko Kawata, mayor ng maliit na bayan ng Yawata na mayroon lamang na 69,000 residente, na magiging bahagi siya ng kasaysayan sa kanilang bansa, bilang kauna-unahang alkalde sa Japan na gumamit ng maternity leave.
Ayon kay Kawata, bahagi na ng kaniyang plano noon pa man na magkaroon ng mga anak nang maging pinakabata siyang alkaldeng babae ng Japan noong 2023 sa edad na 33.
Bagama't may nakalaang 16 na linggong maternity leave para sa mga empleyado ng pamahalaang lungsod ng Yawata, wala naman umiiral na patakaran para sa mismong posisyon ng alkalde. Dahil dito, kinailangan niyang bumuo ng isang opisyal na polisiya upang magamit ang naturang leave.
"I was very surprised myself to learn that I am the first mayor to (take maternity leave). It made me realize that until now there simply haven't been many young women, or women in general, who have become mayors," sabi ni Kawata sa Reuters sa Yawata City Hall.
Isa sa kaniyang huling public duties bago magsimula ang kaniyang maternity leave ay ang paglahok sa isang street procession bilang paghahanda sa Taiko Festival ng Yawata.
Pero sa halip na sumakay sa ibabaw ng mikoshi, o tradisyunal na portable Shinto shrine, naglakad lang ang buntis na si Kawata sa likuran nito.
Bagama't si Sanae Takaichi ang naging kauna-unahang babaeng Punong Ministro ng Japan noong nakaraang taon, nananatiling malaki ang gender gap sa pulitika ng bansa, na dominado pa rin ng kalalakihan.
Sa pinakahuling Global Gender Gap Report ng World Economic Forum, nasa ika-118 puwesto ang Japan sa 148 bansa, at ika-125 naman sa usapin ng political empowerment.
Sinabi ni Kawata na marami pang kailangang baguhin, lalo na kung nais ng tumatandang populasyon ng Japan na masolusyunan ang isa sa pinakamababang birth rate sa buong mundo.
Sa ilalim ng batas sa Japan, may karapatan ang mga kababaihan na kumuha ng humigit-kumulang 14 na linggong maternity leave, at karaniwan silang tumatanggap ng halos two-thirds ng kanilang sahod at birth bonus. May ilang empleyado naman ng gobyerno na nakatatanggap ng mas magagandang benepisyo.
"People talk about gender equality and work-style reform, but we need to build a society in which people, across all professions, including among those in leadership roles, do not hesitate to have children. Otherwise, I believe continual population decline resulting from falling birth rates, and the resulting economic deterioration are inevitable," anang alkalde.
Ayon pa sa alkalde, karamihan sa mga residente ng Yawata ay sumuporta sa kaniyang desisyon, at hinikayat din umano siya ng kaniyang mga kasamahan na samantalahin ang maternity leave.
Gayunman, ikinadismaya niya ang ilang negatibong komento sa social media matapos maging malawak ang pagbabalita tungkol sa kaniyang leave. Inaasahan niyang isisilang ang kaniyang anak sa Setyembre.
"People who had never heard of me before only learned about me through reports focusing on the maternity leave. Some people criticized me online, suggesting that I wasn't doing my job and was just there to take maternity leave. That was disappointing," saad niya.
Karamihan sa mga residenteng nakausap ng Reuters ay nagpahayag ng suporta kay Kawata.
Subalit may ilan ding tumutol, kabilang si Chie Fujita, isang maybahay na residente ng Yawata, na hindi sang-ayon sa pagtanggap ng alkalde ng buong sahod habang naka-leave
"I'm a woman, and I've given birth myself, so I believe that as a woman's right, she should be able to take time off when giving birth. However, regarding her salary, I don't really agree with her receiving 100% of it while she's on leave," ani Fujita. — ulat mula sa Reuters/FRJ GMA News

