Nagtamo ng mga sugat ang isang siklista matapos siyang mabangga at pumailalim sa isang patrol vehicle ng Land Transportation Office sa Mandaue, Cebu. Pero bago ang insidente, natumba muna ang biktima matapos na masagi ng isa ring siklista.

Batay sa impormasyon ng GMA Regional TV, na iniulat sa GTV News Balitanghali nitong Biyernes, mapanonood sa CCTV camera ang magkasunod na paglabas ng dalawang sasakyan ng LTO sa isang kanto sa A. Soriano Avenue.

Halos magkasabay naman na binabagtas ng dalawang siklista ang kalsada at papunta sa gilid ng daan na tila nais maunahan ang isang sasakyan ng LTO.

Sa kasamaang-palad, nagkasagian ang dalawang bisikleta na dahilan para matumba ang biktima sa gitna ng daan. Doon na siya nabangga ng kasunod na patrol vehicle ng LTO at pumailalim kaya makaladkad pa.

Sinabi ng LTO Region 7 na nanggaling sa operasyon ang kanilang mga tauhan at hindi napansin ang natumbang siklista sa kalsada.

Nag-usap para sa isang kasunduan sa himpilan ng pulisya ang driver ng sasakyan ng LTO at ang siklistang unang nakabangga sa biktima.

Kasalukuyang nagpapagaling sa ospital ang biktima.—Jamil Santos/FRJ GMA News