Nalungkot man matapos hindi pumasa sa Physical Agility Test para maging bahagi ng Bureau of Fire Protection (BFP), hindi nagdalawang-isip ang isang lalaki tulungan upang maisalba ang buhay ng isang lalaking rider na nadisgrasya sa kalsada. Ang kaniyang kuwento, alamin.

Sa isang episode ng programang Good News sa GMA, ipinakilala si Paolo Guela, na taga-Bulan, Sorsogon, na likas na ang pagtulong sa kapuwa.

Taong 2019 nang sinubukan niyang pumasok sa Bicol University bilang nursing student pero hindi siya pinalad na makapasa sa entrance exam,

Pero natuloy pa rin ang kaniyang hangarin na magserbisyo sa mga tao nang maging volunteer naman siya sa Philippine Red Cross noong taong 2023.

“Nagkakaroon po kami ng community services, humanitarian services, blood donation, mga youth formation, at marami pa pong iba,” kuwento niya.

Full support ang misis ni Paolo na si Maica sa adhikain ng kaniyang asawa.

“Sobrang proud ako sa kaniya kasi knowing him, kahit noong mag-boyfriend and girlfriend pa lang kami ay ganoon na talaga siya,” sabi ni Maica.

Kasama rin sa pangarap ni Paolo ang maging isang bumbero upang makapagligtas ng buhay at ari-arian.

"Binalak ko po talaga na pumasok sa BFP. Dito ko po nakikita ang aking sarili na dito ako lalago. Dito ko nakikita ang aking sarili na ako ay mas makakatulong po sa aming pamayanan,” sabi niya.

Ngunit sa ikalawang pagtatangka, hindi siya pinalad na makapasa sa Physical Agility Test ng BFP.

“Hindi naman ako talaga physically prepared dahil nga may trabaho din ako,” sabi niya. “Halo-halong emosyon ang pumasok sa aking isipan. Nandoon ang kalungkutan.”

Ngunit gabi at papauwi na siya noon matapos na hindi makapasa sa BFP, may nadaanan siyang aksidente na sugatan at nanghihina na ang rider na lalaki matapos sumemplang ang minamanehong motorsiklo.

“Sa gabing iyon, iba ang aking pakiramdam dahil bigo ako sa pagpasok sa BFP. Pero isinantabi ko po ang emosyon na iyon. Noong nakita ko ang pasyente, mas naawa ako sa kalagayan niya kaysa sa kalagayan ko,” sabi ni Paolo.

“Nakita ko po na nangingisay na po siya nang sobra,” dagdag niya.

Nilapatan ni Paolo ng paunang lunas ang sugat ng biktima gaya ng paglalagay bandage ang ulo nito na dumudugo. Batay na rin sa kaniyang assessment, may head injury ang biktima.

Tinawagan naman niya ang bystanders na tumawag ng rescuer.

Agad namang nakarating ang rescue team kaya isinugod sa pagamutan ang biktima, na mapalad na nakaligtas.

"Salamat po talaga kay Paolo sa pagligtas. Hindi ko po malilimot po ‘yon," sabi ng lalaking iniligtas ni Paolo.

May malalim na hugot pala si Paolo sa likod ng labis niyang pagnanais na makapagligtas ng buhay.

"Dahil din sa aking kapatid na namayapa noong 2019. Inatake po siya sa barko. Doon po, nalungkot ako dahil walang first aid na ibinigay sa kaniya at hindi siya nabigyan ng CPR," kuwento ni Paolo.

Namatay ang kapatid ni Paolo nang walang rumeresponde.

“Sabi ko sa aking sarili, simula ngayon ay tutulong na ako sa komunidad na magbibigay ng impormasyon at kaalaman. Dahil ayaw ko na po na may magulang na mawalan ng anak at mga kapatid.”

Tunghayan sa Good News ang labis na pasasalamat kay Paolo ng mga magulang ng lalaking naaksidente na kaniyang sinagip. – FRJ GMA News