Patay ang dalawang estudyante nitong Martes matapos ang isang insidente ng pamamaril sa isang pribadong paaralan sa Zamboanga City, kung saan isa sa kanila ang bumaril, ayon kay Mayor Khymer Olaso.
Sa panayam sa Super Radyo dzBB, sinabi ni Olaso na batay sa inisyal na impormasyon, nakapasok ang gunman sa loob ng Ateneo de Zamboanga University dala-dala ang isang high-powered na baril at isang .45 pistol.
Ayon sa kaniya, naganap ang insidente bandang 8:30 a.m.
“Nakita po natin sa video, kasi iniimbestiga pa ng mga pulis eh, nakita po natin sa video parang unang binanabatan ‘yung teacher, nakaupo sa table,” sabi ng alkalde.
“Hindi ata nakatama, lumipat sa ibang room, binunot ‘yung .45 caliber niya binanatan naman ‘yung isang estudyante doon, ‘yung bumagsak, ‘yung namatay na pangalawa,” dagdag niya.
Sinabi ng alkalde na maaaring dalawa pang indibiduwal ang sugatan sa insidente.
Ayon sa kaniya, kinitil din ng shooter ang sarili.
Kinumpirma rin ni Olaso na nakasuot ng body camera ang bumaril at nag-stream nang live.
Samantala, sinuspinde ng alkalde ang mga klase nitong Martes ng umaga.
Sa isang post sa social media, sinabi ng Ateneo de Zamboanga University Junior High School na kontrolado na ang sitwasyon.
Sa isang hiwalay na post, sinabi ng pamahalaang lungsod ng Zamboanga na labis itong nalungkot sa insidente ng pamamaril at mahigpit na nakikipag-ugnayan sa pamamahala ng paaralan, sa Zamboanga City Police Office, at sa mga kinauukulang awtoridad.
"We assure the public that the situation is under control and appropriate security measures are in place. The safety of our students, teachers, and school communities remains our highest priority," dagdag nito.
Nanawagan ang pamahalaang lungsod sa publiko na manatiling kalmado, mapagmatyag, at responsable.
"Please refrain from spreading unverified information, rumors, photographs, or videos that may cause unnecessary alarm or interfere with the ongoing police response and investigation. We encourage everyone to rely only on official advisories from the City Government, the police, the school management, and other authorized authorities," saad nito. —Jamil Santos/ VAL GMA News

