Inalis sa puwesto ng Bureau of Customs (BOC) ang isang opisyal ng port police na may-ari ng baril na ginamit umano ng estudyanteng sangkot sa pamamaril sa Junior High School campus ng Ateneo de Zamboanga University (ADZU).
Naganap ang pamamaril nitong Martes, Agosto 18, 2026, na ikinasawi ng dalawang estudyante, kasama ang namaril, ayon sa ulat ng GMA Regional TV News.
Sa isang pahayag, sinabi ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno na ang opisyal ng Customs na isinailalim sa preventive suspension ay ama ng estudyanteng namaril.
Inatasan din ni Nepomuceno ang mga kinauukulang deputy commissioner, katuwang ang mga kaukulang field office, na magsagawa ng masusing imbestigasyon at kunin ang lahat ng mahahalagang dokumento, rekord, pahayag, at iba pang ebidensiyang may kaugnayan sa insidente.
Inatasan din ng BOC ang lahat ng personnel na sangkot na lubos na makipagtulungan sa imbestigasyong isinasagawa ng mga awtoridad.
Kasama rin sa direktiba ng hepe ng BOC ang komprehensibong accounting at inventory ng lahat ng baril na ipinagkaloob sa mga tauhan ng ahensiya.
Gayundin ang pagsusuri sa pagsunod sa lahat ng polisiya at kautusan ng BOC tungkol sa kaligtasan sa paggamit ng baril, pag-iingat, pagdadala, pagbitbit, pag-iimbak, at ligtas na pagtatago ng mga armas.
“The Bureau of Customs remains committed to accountability, transparency, and ensuring that all necessary measures are undertaken to prevent incidents of this nature from happening again,” ayon sa BOC.
Nagpaabot din ang BOC ng pakikiramay sa mga pamilya at mahal sa buhay ng mga biktima ng insidente.
“We stand in solidarity with the Ateneo de Zamboanga community and all those affected by this heartbreaking incident,” ayon sa BOC. – FRJ GMA News
