Isang padre na pamilya ang hinihinalang inatake sa puso at natumba pa sa baha na abot-dibdib ang tubig sa Caloocan City. Ang biktima, hindi nakaligtas.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa GTV News Balitanghali nitong Miyerkoles, mapanonood ang video ng mga residente na isinakay sa upuan ang lalaki para sagipin matapos na natagpuan nilang nakalubog sa baha at walang malay.
Tulong-tulong sa pagbuhat ang 10 lalaki ngunit pahirapan ang rescue dahil sumasalubong sa rumaragasang baha ang direksyon nila palabas.
Inilipat na ang biktima pagkarating ng rescue boat ng Barangay 32, Caloocan.
Kalahating oras pa ang inabot bago makarating sa ospital ang biktima, ngunit hindi na siya umabot nang buhay.
Ayon sa kaanak ng biktima, nag-panic sa baha ang kanilang padre de pamilya, inatake sa puso at natumba sa hanggang dibdib na baha.
“Nerbiyoso po si papa. So siguro kahit naman po heart attack ‘yun, siguro po mas nabigyan ng chance 'yung father ko kung walang baha po noong time na ‘yun kasi mas magiging accessible po 'yung daan nang mas mabilis papunta sa ospital po,” sabi ni Gian Carlo, anak ng biktima.
Lumabas umano ng bahay ang padre de pamilya para patayin ang circuit breaker.
“Hanggang dibdib po ang baha po roon sa kanila. Tiniis na rin po ng mga doktor na tinubuhan na at maraming pong tubig na nakuha sa kaniyang katawan,” sabi ni Wilfredo Virtucio, Community Relations Office, Caloocan City Hall.
Nananawagan ang mga residente na magkaroon ng maayos na flood control sa kanilang barangay para masolusyonan ang kanilang problema.
“'Yung sa flood control project na dapat 'yung mga naka-allot talaga na budget doon, talagang ginagamit or ginagastos nang tama para maiwasan 'yung mga ganitong scenario po kasi may mga buhay po na nakatay rin," sabi ni Gian Carlo.
Mahigit dalawang linggo na ang patuloy na pag-ulan sa Metro Manila na dulot ng mga bagyo at Habagat, na dahilan para malubog sa baha ang maraming lugar.
--Jamil Santos/FRJ GMA News
