Inalala ni Cardinal Luis Antonio Tagle ang nakakatuwa niyang karanasan sa isinagawang conclave sa Vatican, nang makatabi niya at bigyan ng candy si Pope Leo XIV.

"Bringing candy in the Sistine Chapel... Ngayon din lagi akong may baon... eh katabi ko nga si Cardinal Prevost (Pope Leo XIV)... 'Gusto mo ng candy?' 'Sige, bigyan mo ako," kuwento ni Cardinal Tagle ng kaniyang pag-alok kay Cardinal Robert Francis Prevost sa ulat ni Connie Sison sa 24 Oras Weekend nitong Sabado.

"Sabi ko, ''Yan ah! 'Yan ang unang act of charity ko sa bagong Santo Papa.'''

Ibinahagi rin ni Tagle ang kaniyang pagkakakilala kay Cardinal Prevost.

"He is a very level-headed person. Hindi 'yan 'yung tao na impulse reaction lang... nakikinig 'yan at kung kailangan, aaralin niya ang isang bagay... at nakakatulong siya sa discernment, pagkatuto ng buong grupo," anang cardinal.

Naniniwala ang mga Pilipinong cardinal sa conclave na sina Tagle, Manila Archbishop Jose Advincula, at Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, na ipagpapatuloy ni Pope Leo XIV ang mga reporma at programang ipinatupad ng pumanaw na si Pope Francis.

"I can safely say majority of the cardinals would like to see a continuity of the spirit of the papacy of Pope Francis without being a clone," sabi ni David.

"A resounding yes... lalo na kasi si Pope Leo XIV naging missionary at naging obispo sa Peru, so siya mismo ay exposed sa sitwasyon ng kahirapan, climate change, indigenous peoples, refugees," sabi ni Tagle.

Ayon pa sa mga cardinal, aaksyon at magsasalita ang Santo Papa, lalo na sa mga isyu ng immigrants at pinakamahihinang sector sa lipunan.

"Assumption ko lang ito na baka kinuha niya ang pangalang Pope Leo XIV dahil ang predecessor niya was Leo XIII, who was a pope, a brave pope, famous sa kaniyang social teachings," sabi ni Advincula. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News