Isang negosyante ang patay matapos barilin sa harap mismo ng kanyang furniture shop sa Pasay City. Hinanakit naman ng mga kaanak ng biktima, hindi raw pumayag ng mga rumespondeng pulis na madala ang biktima sa ospital.

Ayon sa ulat ni Athena Imperial sa GMA news "24 Oras" nitong Lunes, kita sa CCTV footage na nagsasara na ng kaniyang shop ang biktimang si Michael Versoza kasama ang ilang empleyado nang dumaan ang isang lalaki dakong 9:00 p.m.

Ilang minuto ang nakalipas, binalikan ng lalaki si Versoza at makailang beses pinagbabaril.

Mabilis na tumakas ang salarin papuntang Taft Avenue matapos tumumba ang biktima.

"Sabi niya [Versoza], 'sige una na kayo.' Nandoon ako may narinig akong putok, tapos takbuhan na yung mga tao papunta dito. Tapos nakita ko siya nakabulagta na," ayon sa isa sa mga empleyado ni Versoza na si Jaylord Morfe.

Ayon kay Barangay 69, Zone 9 chairman Popie Diones, wala siyang alam na kaaway si Versoza sa kanilang komunidad.

"Tahimik na tao 'yan. Matagal na rin dito yan. Mabait 'yan. Pagala-gala, pabati-bati lang sa amin 'yan kapag nakikita. Tahimik na tao, wala naman akong nalalaman na kaaway niyan," ani Diones.

Palaisipan naman sa kapatid ng biktima na si Rafael kung bakit hindi sila pinayagan ng mga rumespondeng pulis na isugod si Versoza sa ospital.

"Nagpipilit akong kunin yung kapatid ko, isasakay ko at pinipigilan ako ng mga pulis. Gusto ko lang po malaman, gusto ko lang masabi na itong mga pulis naghahanap ng imbestigasyon, mas mauuna dapat na iligtas yung buhay ng tao," ayon kay Rafael.

Pinaiimbestigahan na ni Supt. Deanry Francisco, Pasay Police chief of investigation, ang insidente at nangakong mananagot ang mga rumespondeng pulis kapag sila'y napatunayang nagkasala.

"We want to determine kung meron bang paglabag dun sa protocol namin. 'Pag nalaman namin na may paglabag, then automatic sa-sanction namin sila," ani Francisco.

Ayon sa revised PNP operational procedures, kailangang iligtas muna ng first police responders ang buhay ng biktima bago simulan ang imbestigasyon sa insidente.

Nakasaad din na kailangang i-preserve ang crime scene at siguraduhing walang mababago o magagalaw sa mga ebidensya. -- Joseph Tristan Roxas/FRJ, GMA News