Nang dahil sa pagtanggi ng may-ari ng bakeshop na gawan ng cake ang ikakasal na gay couple, didinggin ng Korte Suprema sa Amerika ang usapin na posibleng tumimbang sa karapatan ng isang tao sa kalayaan sa relihiyon at ang karapatan kontra-diskriminasyon.
Sa ulat ng Reuters, sinabing nagpasya ang U.S. Supreme Court na dedesisyunal nila kung maaari bang tumanggi ang isang negosyante na magbigay ng serbisyo sa gay couple kung tutol sila sa same-sex marriage batay na rin sa paniniwala ng kinaaniban nilang relihiyon.
Ang desisyon ng SC ay bunga ng pagtanggi ng isang Christian baker na si Jack Phillips sa Colorado, na gumawa ng wedding cake para sa dalawang lalaki.
Batay sa desisyon ng mababang korte, ang pagtanggi ni Phillips, may-ari ng Masterpiece Cakeshop, na gumawa ng cake para sa gay couple ay paglabag sa kanilang anti-discrimination law.
Pero sa inihaing apela ni Phillips, ginamit niyang depensa ang kaniyang karapatan sa "freedom of speech and free exercise of religion," na itinatakda sa U.S. Constitution's First Amendment.
Ang naturang usapin ay isa lamang umano sa mga katulad na kaso sa Amerika na nagsasaad na hindi dapat obligahin ang mga Kristiyano na tutol sa gay marriage ang relihiyon na magkaloob ng kanilang serbisyo sa same-sex couples.
Nakatakdang dinggin ng SC ang US ang nabanggit na kaso sa darating na Oktubre. -- FRJ, GMA News
