Iginiit ng bagitong pulis sa Mandaluyong na inirereklamo ng pananakit at pagbunot ng baril na siya ang unang minura at sinampal ng dalawang lalaking dinakip nila dahil sa paglabag sa curfew. Pero, isang lalaki pa ang lumantad at nagsabing naging biktima rin siya ng pananakit ng pulis noong nakaraang Mayo.
Sa ulat ni Steve Dailisan sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, kalmado at malumanay na nakapanayam ang inirereklamong pulis na si PO1 Jose Tandog.
Nakunan si Tandog ng video mula sa cellphone ng isa sa dalawang biktima na kaniyang hinampas ng yantok nang paulit-ulit. Nakita rin ang ginawa niyang pagbunot ng baril.
Pero paliwanag ni Tandog, wala raw siyang planong humingi ng dispensa sa dalawang lalaking sinaktan niya at una raw siyang sinampal at sinaktan ng mga ito.
"Habang pinapalo ko po sila nun, dumating na po sa...parang gusto nilang sumugod sa'king dalawa. Napaatras po ako, napabunot po ako pero hindi ko tinutok," paliwanag niya.
Hindi naman niya ikinaila na nakagamit siya ng labis na puwersa nang tanungin tungkol sa nangyari.
Ang kasamahang pulis na inirereklamo rin na si PO1 Chito Enriquez, sinabing natulala siya at nabigla sa ginawa ng kabarong si Tandog dahil inakala niyang tatakutin lang nito ang dalawang lalaki.
Ngunit bago raw na makunan ng video na hinahataw niya ang dalawang lalaki, sinabi ni Tandog na pinagmumura siya ng dalawa at sinampal nang dumating ang mga kaanak nito kaya nagkasugat siya sa kaliwang pisngi.
Itinanggi naman ng isang biktima ang paliwanag ni Tandog at ipinakita ang kuha bago ang insidente na makikitang wala sugat sa pisngi ang bagitong pulis.
Giit pa niya, kusang-loob at hindi raw sila nanlaban nang sumama sa mga pulis. Bukod dito, kung sa kaliwa umano ang sugat sa pisngi ni Tandog, sinabi ng biktima na kanan ang gamit niya at hindi siya makakalaban sa pulis na armado ng baril.
Nauna nang inalis sa puwesto ang dalawa at sinabing ipadadala sila sa Marawi habang dinidinig ang kanilang kaso alinsunod sa direktiba ni PNP Chief Ronald Dela Rosa.
Lumitaw din na hindi ito ang unang insidente na nanakit umano si Tandog ng kaniyang inaresto.
Ayon sa lalaking itinago sa pangalang "Rudy," si Tandog din umano ang dahilan mga peklat niya sa dibdib.
Inaresto rin umano siya ng pulis noong Mayo 15 dahil sa pag-inom din sa labas ng bahay sa dis-oras ng gabi.
"Nagulat po ako bakit may nangyari na naman po na ganun na katulad po sa akin," pahayag niya. "Pagpunta sa barangay, pinagbubugbog na po ako agad, wala na pong sinabi sa akin, hindi nilabas yung tiket."
Handa raw magbigay ng salaysay si "Rudy" para mapatibay ang kasong administratibo at kriminal na isasampa laban sa dalawang pulis. -- FRJ, GMA News
