Pinatunayan ng ilang guro na sila ang pangalawang magulang nang yakapin nila ang isang lalaking estudyante na walang kasama sa moving up ceremony sa Cauayan City, Isabela.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles, mapanonood ang video ng YouScooper na si Melvin Casingal kung saan nagyakapan at nagpasalamat ang mga estudyante at kani-kanilang magulang sa gitna ng seremonya sa Villa Concepcion High School - Baculod Extension.

Hanggang sa isang estudyante ang hindi tumayo at pumirmi lamang sa kaniyang upuan.

Ngunit ang mga guro, lumapit at niyakap ang estudyante.

Ayon kay Casingal, na guest speaker sa moving up ceremony, walang kasama ang estudyanteng si Jackson Bautista dahil biglaan ang kaniyang desisyon na sumama sa seremonya.

"Wala siyang kasama sa moving-up ceremony na parent. Ang sumama na lang po sa kaniya sa stage ay isa sa mga Barangay Kagawad. Noong tribute na sa parents and guardians, hindi siya tumayo sa kaniyang kinauupuan kasi wala siyang puwedeng pagsabihan ng 'Thank you' at 'I love you' sa likod kung saan nakaupo ang mga parent,” sabi naman ni Casingal sa GMA News.

"Naluluha na proud na proud po [ako] kasi palagi po ako pumupunta sa bahay nila noong nag-aaral pa lang po ako [ng] high school kasi barkada ko po kuya niya. Batang-bata pa lang siya [noong] panahong iyon, tapos ngayon nakita ko na nakapagtapos siya sa JHS sa kabila ng mga situation po nila,” dagdag pa ni Casingal.

Sinabi naman ng kabarkada ni Casingal, na kapatid ni Jackson, wala na ang kanilang ama at may problemang pangkalusugan ang kanilang ina. Pang-apat si Jackson sa anim na magkakapatid at nagtatrabaho sa ibang lungsod ang mga nakatatanda nitong kapatid.

Hindi talaga umano dapat dadalo si Jackson sa moving up ceremony pero napilit lang siya ng kaniyang mga guro.—Jamil Santos/AOL GMA News