Isang inabandonang bagong silang at agaw-buhay na sanggol ang nakita sa basurahan sa loob ng banyo ng terminal 1 ng Ninoy Aquino International Airport.
Sa ulat ng GMA News TV's "Balita Pilipinas" nitong Lunes, sinabi ng janitress ng paliparan na si Maricel Guliman, na isang babae ang napansin niyang labas-masok sa isang cubicle ng banyo na tila may nililinis.
Nang makaalis na ang babae, pinasok umano ni Guliman ang cubicle para linisin at palitan ang rolyo ng tissue paper.
Pero laking gulat niya nang makita ang isang bagong silang na sanggol sa basurahan nito na medyo hindi na maayos ang kalagayan.
Kaagad niyang dinala sa airport medical clinic ang sanggol na mabilis na ni-revive ng mga duktor at nurse.
Pagkaraan nito ay dinala na ang sanggol sa Pasay General Hospital para mas lalong masuri at mabantayan.
Hindi pa tiyak ang pagkakilanlan ng babaeng nag-iwan ng sanggol. -- FRJ/KVD, GMA News
