Labing-apat katao ang sugatan matapos na may maghagis ng pampasabog o improvised explosive device (IED) sa isang tindahan sa Baguio City. Ang suspek, isang minero na bago ang insidente ay nasampal at nasuntok matapos umanong mambastos ng isang babae sa tindahan.

Sa ulat ni Cindy Salvacio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Magsaysay kaninang madaling araw.

Sa CCTV footage na nakuha ng Baguio City Police Office, makikita ang salarin sa gilid ng mga nakaparadang sasakyan na sinindihan ang hinihinalang IED at saka inihagis sa tindahan.

Sa lakas ng pagsabog, 14 katao ang nasugatan na kibibilangan ng ilang pasahero na naghihintay ng masasakyan.

Dinala sila sa ospital, pero kinalaunan ay nakalabas na ang lima habang patuloy na inoobserbahan ang siyam pang biktima.

Sa imbestigasyon ng pulisya, napag-alaman na bago maganap ang paghagis ng IED, pinaalis sa tindahan ang suspek matapos na mambastos umano doon ng isang babae.

“Yung suspek mayroon siyang binastos na isang babae, yun nga, sinampal siya nung babae. May tumulong din na bystander na nanuntok,” sabi ni Police Major Marcy Grace Marron, spokesperson, Baguio City Police Office.

Umuwi umano ang suspek na lasing umano noon, at nang bumalik, may dala na siyang IED.

Inaresto ng mga awtoridad ang 32 anyos na suspek na isang minero na mula sa Itogon, Benguet.

Sinusubukan pa ng Regional TV na makuhanan ng pahayag ang nakadetineng suspek. – FRJ GMA Integrated News