Naging malaking palaisipan sa mga residente sa isang barangay sa Meycauayan, Bulacan ang nakita tila isang uri ng hayop na nakalubog sa baha. Isa kaya itong uri ng isda? Alamin.

Sa programang “Dami Mong Alam, Kuya Kim!”, nakausap si Rhea Tabilog, na unang nakakita umano sa kakaibang nilalang, na mistulang may mahabang katawan, maliit na ulo, at may mga mata.

Ayon kay Rhea, sinubukan nilang talian ang misteryosong nilalang para mapagalaw ito at matukoy kung ano talaga. Gayunman, nabigo silang mahuli ito hanggang na hindi na muling nagpakita sa kanila.

Pero hindi lang ang mga residente ang namisteryohan sa nilalang kundi maging ang mga netizen nang i-post sa social media ang nakuhanan ni Rhea.

Hinala ni Rhea, baka galing sa ilog ang nilalang na natangay nang magkaroon sa kanila ng baha,

Ayon sa eksperto, maraming posibilidad kung ano ang nakita sa video. Kabilang na rito ang swamp eel o igat na makikita sa mga ilog at palayan.

Pero may iba’t ibang uri ng igat na nagpakakamalang ahas dahil sa mahaba nitong katawan, na karaniwang kulay itim ang balat.

Si Dr. Romulo Bernardo, isang wildlife veterinarian, hinihinala na isang albino na eel ang nakita sa video ni Rhea.

Pero dahil malayo ang kuha sa video, hindi makumpirma kung igat ba ang nakitang misteryosong nilalang. – FRJ GMA News