Pinagsisisihan ng isang ina ang pagpayag niya sa anim na taong-gulang na anak na gumamit ng gadget nang "one-to-sawa." Ang labis na paggamit ng gadget ang pinaniniwalaang dahilan kaya nagka-"seizure" at tila na na-stroke ang bata.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, bantay-sarado na ni Icon Molvizar Collamar ang anak pagdating sa paggamit ng "tablet."

Naging mahigpit na ang ginang mula nang mangyari noong nakaraang linggo nang biglang panghihina raw ang kaniyang anak, bumagsak sa sahig, nangisay na tila nakaranas ng sintomas ng stroke.

Nang dalhin sa pagamutan para ipasuri, sinasabing ang sobra-sobrang paggamit ng gadget ang pinaniniwalaang dahilan ng pagkakasakit ng bata.

Ayon kay Collamar, tablet na kaagad ang hawak ng kaniyang anak pagkagising nito sa umaga at inaabot ng hatinggabi lalo na noong bakasyon

Nang inatake ang anak, sinabi ni Collamar, bigla na lang nagsisigaw ang kaniyang anak na namamanhid at hindi maigalaw ang braso, at hindi makatayo.

"'Mommy yung arm ko parang jelly oh,' Ganun siya nang ganun," kuwento ng ginang. "Nakita ko yung lips niya ganun...tapos kung magsalita siya, 'mommy,' Hindi naman siya bulol, maayos naman siya magsalita."

Dumaan daw sa ibat-ibang uri ng pagsusuri ang kaniyang anak at wala namang nakitang pilay o anumang injury.

Tinanong din daw ng pedia-neurologist kung madalas gumamit ng gadget ang anak at sinabi sa kanila na posibleng nakaranas ang bata ng "focal seizure"

"Hindi ko po talaga inisip na magiging cause ng sakit ang paggamit nila ng gadgets," aniya.

Sa ayon sa mga nakausap ng duktor ng GMA News, ang "seizures" ay abnormal electrical disturbance sa utak. Sinabing ang "focal seizure" ay nangyayari kapag ang electrical activity ay limitado sa isang bahagi ng utak.

Ibinahagi ni Collamar sa social media ang nangyari sa kaniyang anak upang makatulong daw sa ibang magulang at mabilis itong nag-viral.

Nabasa na rin ni Dr. Eric Tayag ng Department of Health ang kaso ng anak ni Collamar, pero hindi pa umano conclusive na may kaugnayan sa labis na paggamit ng gadget sa nangyari sa bata.

"Ang gadgets mismo ay hindi makaka-trigger ng seizure. Ang maaring nangyari po diyan sa pagkakaalam po namin sa seizure disorder, ang stress ay maaaring makaresulta sa seizure disorder, at yung stress maaaring may pinanggagalingan o pinagmumulan," paliwanag ng opisyal sa panayam sa telepono.

Ang ilang gaming console tulad ng Playstation at Xbox, may inilalabas na babala para sa mga taong may tinatawag na "photosensitivity."

Ito ay ang epekto ng flashing lights at mabibilis na visual pattern sa isang tao na posibleng mag-trigger ng seizure lalo na kung may history ng epilepsy.

Mas karaniwan daw sa mga bata ang photosentive epilepsy kaysa sa mga matatanda.

May epekto man o wala, hindi pa rin daw maganda ang sobra-sobrang paggamit ng gadget.

"Pero posible na dahil sa nagkaroon ka ng stress eh magkakaroon ka ng seizure, so kailangan may mga pagsusuri," paalala ni Tayag. -- FRJ, GMA News