Halos aabot sa P50,000, kabilang ang US dollar bills, mga cellphone, bag, at mga alahas ang natangay mula sa isang babae nang siya'y mabiktima ng Laglag Susi-Salisi Gang sa Malate, Maynila.
Nahulicam ang buong pangyayari.
Sa exclusive report ni GMA News' Emil Sumangil sa "Saksi" nitong Biyernes, makikita sa CCTV na nilapitan ng isang lalaki ang kotse ng babaeng biktima, saka ito kumatok at may itinuro umanong bungkos ng mga susi sa likuran ng sasakyan.
"Akala ko talaga, susi ng asawa ko, kasi baka 'yung sa bahay o kaya sa opisina nila. So dali-dali po akong bumaba, hindi ko napatay 'yung aircon, 'di ko napatay 'yung makina, nakabukas po 'yung pintuan."
Pagkababa ng babae para damputin ang mga susi, doon na mabilis na kumilos ang grupo, kung saan may isang lumapit sa passenger side ng sasakyan, binuksan ang pinto saka kinuha ang bag ng biktima.
"Pagdampot ko na pagdampot ng mga susi, bigla kong naisip, 'Nako baka salisi ito!"
"Bumalik ako sa kotse, pagtingin ko, wla na 'yung bag ko."
Pagbalik ng biktima sa kanyang driver seat, doon na rin nagsialis ang mga miyembro ng grupo.
Naglakad papalayo ang lalaking kumatok samantalang tumawid naman ang mga kasabwat na babaeng nakapayong.
"Na-shock na po ako talaga. Hindi ko alam kung tatakbo ako, sisigaw ako, umaabante, umaatras 'yung sasakyan so hindi ko po alam kung ano gagawin ko."
Ilang oras matapos ang insidente, natagpuan na lamang ang kanyang bag sa isang hotel sa Intramuros, Maynila, ngunit wala na ang kanyang pera at mga mamahaling gamit.
Pahayag ni Jaime Adriano, kapitan ng Barangay 719 ng Maynila, hindi raw mga taga Maynila ang sindikato.
"From Laguna eh. Kasi meron 'yang Fortuner na puti, walang plate number eh. 'Yun ang nakita namin. Siyempre ang mga tanod ko naman, pagka may mga baril na 'yung [sindikato], wala din kami talagang magagawa."
Ini-report na ng barangay sa PNP Highway Patrol Group ang Fortuner na ginamit sa sindikato, na nahagip din ng CCTV. —Jamil Joseph Santos/LBG, GMA News
