Nakapagpiyansa at pansamantalang nakalaya ang pari na naaktuhang kasama ang isang 13-anyos na dalagitang ibinugaw umano ng isa ring minor de edad sa Marikina.

Bagaman nakalaya, sinabi sa ulat ni Tricia Zafra sa GMA News "Saksi" nitong Martes, hindi pa rin nagbigay ng pahayag si Monsignor Arnel Lagarejos, dating parish priest ng Saint John the Baptist Church sa Taytay, Rizal.

Sinampahan siya ng kasong paglabag sa Anti Trafficking in Persons Act pero pinayagang makapagpiyansa sa halagang P120,000.

"Mayroong bail dahil na rin sa mga references dun sa mga statements ng ating complainant at limited din po sa na-commit na crime. May mga subpoena naman pong ipinapadala sa suspect natin," paliwanag ni  Police Chief Inspector Melanie Redon,ng Women and Children's Protection Desk ng Marikina City Police.

Tutol naman sa pagpapalaya kay Lagarejos ang ina ng binugaw na dalagita na nakakatanggap na raw ng pananakot sa pamamagitan ng tawag.

Ayon sa ginang, isang nagpakilalang "major" ang tumawag upang ipaatras umano ang kaso laban sa pari.

Dahil dito, bibigyan umano ng pulisya ng seguridad ang pamilya ng biktima.

Ayon sa ina ng biktima, nitong Biyernes din lang niya nalaman ang matagal nang pag-abuso sa anak ng pari.

"Nung nahuli na yung pari doon niya ni-reveal na naging customer niya yun at humahawak siya nang halos one month," anang ina.

"Everytime na magkasama sila sa isang motel lagi niyang dala raw yung baril yun ang banggit ng anak ko," dagdag ng ginang.

Una rito, sumailalim sa counseling ng social worker sa Marikina ang dalagita matapos mahuli dahil sa paglabag sa curfew.

Aminado naman ang ina na napabayaan niya ang anak nang magrebelde ito at lumayas nang magkahiwalay silang mag-asawa.

Hinikayat naman ng social workers ang mga magulang na lumapit sa kanila kung may problema ang mga ito sa pakikipag-ugnayan sa kanilang mga menor de edad na anak.

Dahil sa kinasasangkutang iskandalo, inalis na si Lagarejos bilang parish priest at bilang presidente ng Cainta Catholic College. -- FRJ, GMA News