Sinimulan na ng Commission on Elections ang pag-imprinta ng mga balotang gagamitin sa barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa darating na October 23, sa kabila ng nakabinbin na panukala sa Kamara na iurong ang halalan sa 2018 o hindi kaya'y sa 2020.

Samantala, sa panukala naman ng Senado ukol sa postponement, nais ng mataas na kapulungan na sa Oktubre 2018 na lamang idadaos ang halalan.

Ayon kay Comelec chairman Andres Bautista, inumpisahan na nila ang ballot printing dahil baka magahol sila sa oras sakaling matuloy ang nakatakdang local polls sa taong ito.

Dagdag ni Bautista, aabot sa 77 milyong balota ang dapat na maimptinta.

Kung sakaling ipagpaliban ang eleksyon, itatago lamang umano ng Comelec ang mga balota at inaasahang magagamit din ang mga ito kung kailan itutuloy ang halalan. 

Noong nakaraang taon pa sana naimprinta ang mga balota. Ngunit sinuspinde ang printing dahil sa mga panukala na postponement sa Senado at sa Kamanra.

Umaasa naman si Bautista na makapagpasa agad ang Kongreso ng batas hinggil sa postponement. —LBG, GMA News