Sinalakay ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang dental laboratory sa Commonwealth Avenue sa Quezon City na pinatatakbo ng mga hindi umano lisensyadong dental technician.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "Balitanghali" nitong Miyerkules, sinabing isinagawa ang pagsalakay nang tanggapin ng target ng operasyon ang markadong pera na ginamit ng NBI asset na nagpanggap na nagpapagawa ng ngipin.
Sa surveillance camera pa lang, sinabi ng NBI na makikita na kaagad na bagsak ang dental laboratory dahil bukod sa mano-mano ang ginagawa ng mga pekeng dental technician, hindi rin medical gloves ang ginamit nila habang nagsasagawa ng check-up.
Bukod sa hindi mga lisensyado, wala rin umanong kaukulang papeles para makapag-operate ang dalawang dental laboratory, ayon sa NBI.
Sa labas ng sinalakay na "klinika," makikita ang poster na kaya raw gawin ng mga suspek tulad ng pustiso, retainer, brace at iba pa.
"That is violative ng Republic Act 9484 which is the Dental Act of 2007. 'Yun ay pag-practice ng walang kaukulang authority, lisensya sa ahensiya ng gobyerno," pahayag ni Atty. Moises Tamayo, hepe ng NBI Special Task Force.
Nagbigay naman ng babala ang Philippine Dental Association na delikadong magpaayos ng ngipin o magpagawa ng pustiso o "retainer" sa mga 'di lisensyadong technician.
"Huwag nilang ipagtiwala ang kanilang bibig sa mga hindi rehistrado o lehitimong dentista. Puwedeng ibigay nitong problema, unan-una po, pamamaga ng gilagid, puwedeng mauwi sa impeksyon, puwedeng pong mahawa sa iba't ibang communicable diseases," ayon kay Dr. Mark Villalobos, presidente ng Philippine Dental Association. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
