Nakaupo at nakayukong nagmamakaawa umano ang Grade 11 student na si Kian Loyd delos Santos bago barilin ng mga pulis sa Caloocan City, ayon sa isang testigo.

Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi ng testigo na itinago ang pagkakakilanlan, na tinanong pa siya ng mga pulis kung kilala niya si Delos Santos.

"Naririnig ko siya humihingi ng tulong. Nakaupo po siya na nakayuko. Sinabi niya, 'Sir, wag po.' Unang paputok 'di ko na po alam kung saan pinaputukan nagkasunod-sunod na 'yung bala. Sa sobrang takot ko po, tumakbo po ako palayo," kuwento niya.

Una nang sinabi ng mga pulis na tumakbo si Delos Santos at nagpaputok ng baril sa mga pulis kaya sila gumanti ng putok at napatay ang binatilyo.

Isang baril at dalawang sachet na may laman umanong shabu ang nakuha sa bangkay ng binatilyo na paupong nakayuko nang makita ng media ang bangkay.

Pero sa nakuhang CCTV camera footage, makikita ang dalawang lalaki na umano'y pulis na may bitbit na lalaki na sinasabing si Delos Santos.

"Ayan papasok... ayan kitang-kita ko po 'yan kung paano pinatay 'yung bata. Siya po 'yung huling-huling pumutok ng maraming beses. 'Yan po. Tapos kasama din po 'yan yung nagtaas ng damit, ayan. Sabi po nila, 'naglaban... naglaban,'" ayon sa testigo habang itinuturo ang CCTV footage.

Tinanong pa umano siya ng mga pulis kung kilala niya ang kanilang napatay.

"Kaya nga tinanong niya ko eh, 'Kilala mo ba 'yung pinatay?' Sagot ko, 'Sir, paano ko po makikilala eh nakatakip po 'yung mukha niya ng damit. Ta's binuksan, 'O, kilala mo ba?' Sinabi ko na lang hindi kasi 'pag sinabi ko na kilala baka patayin din nila ako," kuwento niya.

Dahil sa nangyari, humihingi ng hustisya ang mga magulang ni Delos Santos.

Ayon sa ina ng binatilyo na isang overseas Filipino worker, sa sentido ang isang tama ng bala ng kaniyang anak.

Iginiit nilang hindi sangkot sa iligal na droga ang kanilang anak at wala rin umano itong baril. -- FRJ, GMA News