Ibinahagi nina Joyce Pring at Juancho Triviño na madadagdagan muli ang lumalaki nilang pamilya.
Sa Instagram, nag-post si Joyce ng video nila ni Juancho na “random” niyang sinusuri kung buntis siya sa kanilang ikatlong anak.
Sa video, hawak ni Juancho ang isang pregnancy test na nagpakita ng dalawang guhit, na indikasyong buntis si Joyce.
Ayon sa post, isisilang ni Joyce ang ikatlo nilang baby sa May 2026.
"How did that happen?! We've been keeping a secret for the past five months… our babies will go from two to #THREEvinos this coming 2026! Praise God for another wonderful blessing," saad nila sa caption.
Matapos magkasama sa programang “Unang Hirit” bilang mga host, naging magkasintahan sina Juancho at Joyce, at ikinasal noong 2019, at nasundan ng isa pang seremonya noong 2020.
Taong 2021 nang isilang ang panganay nilang anak na si Alonso Eliam, at nasundan ni Agnes Eleanor noong 2023.
Inanunsyo naman ng mag-asawa noong 2023 rin na magpapagawa na sila ng kanilang dream home, at isinagawa ang groundbreaking ceremony noong 2024. —Jade Veronique Yap/FRJ GMA Integrated News

