Laking gulat ng mga nakakita sa isang lalaki na inakalang lasing na nakatulog lang sa ilalim ng isang footbridge sa Parañaque City nang madiskubreng patay na pala ito at ginilitan ang leeg.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, sinabing nakita ang bangkay ng hindi pa nakikilalang lalaki nitong madaling araw sa ilalim ng footbridge sa Ninoy Aquino Avenue sa Barangay San Dionisio.
Nakasuot ang biktima ng t-shirt na kulay abo at maong na pantalon. Tinatayang nasa edad na 30 hanggang 35, may taas na 5'4, at tattoo na hugis clown sa kaliwang braso.
Ayon sa isang saksi, may isang kotse na huminto sa lugar at tila may ibinaba bago nakita ang bangkay.
Gayunman, hindi raw niya masyadong pinansin ang ginawa ng sasakyan at hindi rin nakita ang plaka dahil sa abala siya sa kaniyang trabaho.
Hinihinala ng mga imbestigador na sa ibang lugar pinatay ang lalaki dahil walang bakas ng dugo sa lugar.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente. -- FRJ/KVD, GMA News
