Nagsampa ng reklamong kriminal sa Department of Justice nitong Huwebes ang National Bureau of Investigation laban sa mga pulis na sangkot sa pagkakapatay sa 17-anyos na si Kian Loyd Delos Santos. Base sa resulta ng imbestigasyon ng NBI, walang awang binaril ang binatilyo.
Nahaharap sa reklamong pagpatay, pagtatanim na ebidensiya at iligal na pagpasok sa bahay [Article 128 of the Revised Penal Code], sina Caloocan City police station 7 head Chief Inspector Amor Cerillo, at tatlong tauhan niya na sina Police Officer 3 Arnel Oares, Police Officer 1 Jerwin Cruz, at Police Officer 1 Jeremias Pereda.
Naghain naman sa DOJ ng hiwalay na reklamong pagpatay at pagpapahirap laban sa mga pulis ang pamilya Delos Santos sa pamamagitan ng Public Attorney's Office.
Ang isinampang reklamo ng NBI ay base sa testimonya ng saksi, at resulta ng isinagawang forensic examination sa lugar kung saan napatay si Delos Santos na ginawa ng ahensiya at maging ng Philippine National Police Crime Laboratory at PAO.
Batay sa tama ng bala sa lugar kung saan binaril ang binatilyo, lumalabas umano na nakaluhod si Delos Reyes nang barilin habang nakatayo naman ang bumaril.
Hindi rin naniniwala ang NBI sa paliwanag ng mga pulis na may baril na kalibre 45 at dalawang sachet ng shabu si Delos Santos dahil boxer shorts ang suot ng binatilyo.
"If indeed Kian was in possession of said firearm and sachets of shabu, then they should have easily noticed it when they accosted him in front of the drug store," nakasaad sa isinampang reklamo.
"In the case at bar, PO3 Oares and his cohorts accosted the victim and afterwards dragged him towards Tullahan River and shot him without mercy. From the area where they accosted the victim, the crime scene was in an opposite direction from the police station which only proves that they have no intention in bringing the victim to their police office," dagdag nito.
Una rito, sinabi ng mga pulis na tumakbo si Delos Santos at nagpaputok kaya sila gumanti ng putok at napatay ang binatilyo.
Ngunit batay sa kuha sa CCTV, nakunan ang dalawang pulis na sinasabing hawak na ang binatilyo matapos magsagawa ng anti-drug operation sa Barangay 160 noong Agosto 16.
Sa testimonya umano ng isang saksi, pinasok ng mga pulis ang bahay ng mga Delos Santos dahil sa "tip" ng isang "Nono" kahit walang search warrant.
"These police officers went back at the drug store after said warrantless search and when Kian came by, Nono pointed at him and said police officers accosted Kian and searched him. Afterwards, these police officers dragged the victim and shot him near Tullahan River," ayon sa NBI.
Sa mga nakaraang ulat, inakusahan ng mga pulis na sangkot sa iligal na droga ang ama at tiyuhin ng binatilyo. Ang nakababatang Delos Santos umano ang ginagawang "runner" ng dalawa.
Pero itinanggi ng pamilya Delos Santos ang naturang paratang ng mga pulis.
Ang naturang reklamo laban sa mga pulis ay sasailalim sa preliminary investigation ng piskalya na magpapasya naman kung iaakyat sa korte ang kaso o ibabasura.— FRJ, GMA News
