Sinabi ng mister ng namayapang si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Maria Catalina Cabral, na tutol sila na isailalim pa sa awtopsiya ang mga labi nito. Giit nila, wala nang dapat pang gawin sa bangkay ng kaniyang kabiyak dahil kinilala na nila ito, at naniniwala silang walang foul play sa nangyaring pagkamatay nito.
Sa ulat ni Bea Pinlac sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing iniutos ng Department of Justice at Department of the Interior and Local Government sa National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP), na magsagawa ng autopsy sa mga labi ni Cabral.
Kabilang sa utos ng DILG ang pagsasagawa ng DNA test para matiyak na si Cabral talaga ang nasawi matapos mahulog sa bangin sa Kennon Road sa Tuba, Benguet nitong Huwebes ng gabi.
BASAHIN: Benguet police, kinumpirmang patay na si ex-DPWH Usec. Cabral
Ngunit ayon kay Cesar na asawa ni Cabral, kinilala na nila ng kaniyang mga anak na ang kaniyang kabiyak ang nakuhang bangkay.
"Ako na nagsasabi, asawa ko 'yan. Nanay nila 'yan. Ano pa gusto nilang i-prove? Maghahanap sila ng ibang tao?" ani Cesar.
Sinabi pa ni Casar na tutol sila na isailalim pa sa autopsy ang bangkay dahil nais na nilang makuha ang mga labi nito at maiuwi nila sa Maynila.
"Magpa-Pasko. Masamahan ko man lang 'yung asawa ko ngayong Pasko," pahayag ni Cesar.
Naniniwala rin sila na aksidente at walang foul play sa pagkamatay ng dating opisyal na kabilang sa mga nasasangkot sa flood control issue.
Ayon kay Cesar, umakyat sa Benguet ang kaniyang asawa para sana mag-unwind bunsod na rin ng kinakaharap nitong usapin. — FRJ GMA Integrated News
