Nakuhanan ng CCTV camera ang pagpaslang ng walong armadong lalaki sa live-in partners na sina Isagani Escuadro at Ella Mae Mariano sa isang mataong lugar sa Pasig City nitong Biyernes ng gabi.
Bandang alas-sais ng gabi nang paslangin ang maglive-in partner sa kanto ng 155 Street sa Soldiers Village.
Sa kuha ng CCTV camera, walong armadong lalaki na sakay ng apat na motorsiklo ang nakitang sangkot sa pagpaslang.
Unang binaril ng isa sa mga armadong lalaki si Mariano at agad na isinunod ng isa pang armadong lalaki si Escuadro.
Kitang kita rin sa CCTV na nakatumba na ang isa sa mga biktima nang lapitan at paputukan ng isa pa ng isang salarin.
Matapos ang pamamaslang, nilapitan ng mga salarin ang mga tao sa isang tindahan at pinaalis.
Hindi naman namukhaan ng mga saksi ang mga salarin dahil pawang nakasuot ang mga ito ng helmet.
Ayon kay Senior Superintendent Orlando Yebra Jr., hepe ng Pasig City Police Office, malaki ang posibilidad na droga ang dahilan ng pagpaslang kina Escuadro at Mariano.
Si Escuadro umano ay kilalang drug pusher sa lugar at kasama rin sa listahan ng lokal na pulisya ng mga pinaghihinalaang drug personalities sa siyudad.
Inamin ng pamilya ni Escuadro na nagkakaso na siya kaugnay sa ilegal na droga, ngunit sinabing nagbago na ito.
Wala sa drugs watch list si Mariano, ngunit sinabi ng mga imbestigador na malamang na idinamay siya ng mga salarin dahil sa mga nalalaman niya kay Escuadro.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa pagpasalang sa maglive-in partner. —ulat ni Jamie Santos/ALG, GMA News
