Hinahanap na ng pulisya ang mga "persons of interest" sa pagpatay at panggagahasa sa 16-anyos na si Grace Omadlao na pangarap na maging guro sa Pasig City.

Inihayag ito ni Police Senior Superintendent Orlando Yebra Jr, hepe ng Pasig City Police, sa isang panayam sa GMA News "QRT" nitong Miyerkules.

"Lahat ng nakunan sa CCTV ay considered mga persons of interest kaya subject sila ngayon ng manhunt para matanong at mapasagot natin dito sa mga nalalaman o posibleng dahilan bakit sila nandun ng mga oras na iyon," anang opisyal.

Sinabi pa ni Yebra, nagkakaroon na ng lead ang mga imbestigador sa pagkakakilanlan ng mga salarin dahil sa mga impormasyon na ibinibigay ng ilang residente.

"Marami na tayong nakakausap at yung mga sinasabi nila ang ginagamit natin na lead para sundan at matukoy ang mga perpetrator," anang opisyal.

Dagdag pa niya, "Hinahanap pa natin sila ngayon pero unti-unti nagkakaroon ng identity yung mga tao na yun dahil na rin sa revelations ng mga kapitbahay. Hindi magtatagal, malalaman natin ang puno't dulo nito."

Nitong Lunes, natagpuan ang bangkay ni Omadlao na nakasubsob ang ulo, nakataas ang mga binti at magka-ekis ang mga paa sa Esguera St. sa Pinagbuhatan, Pasig.

Bago nito, nakunan pa siya sa CCTV camera kasama ang kaibigan ng kaniyang kapatid para ihatid sa Pinalad Road noong Linggo ng gabi.

Ayon kay Yebra, dalawa ang tinitingnan nilang posibleng motibo ng pagpatay at panggagahasa sa dalagita.

"Dalawa ang tinitingnan na motibo. Una, base na rin sa biktima, may mga sinasabi siyang parang isang lalaki na interesado sa kanya na laging nakatitig at laging nag-aabang. Pangalawa, posible rin na nakursunadahan ito ng mga kalalakihan, at sa kadahilanang gabi siya nakita dun sa lugar na medyo madilim at walang kasama ay napagtripang kunin," paliwanag ng hepe ng Pasig police.

Sinabi pa ni Yebra na lumabas sa inisyal na report ng SOCO na ginahasa nga ang biktima at posibleng pinahirapan pa.

"Mayroon na silang initial report na kinumpirma ng ating duktor ng Eastern Police District SOCO na itong biktima ay talagang nagkaroon ng lacerations sa kaniyang vagina, mayroon ding ligature sa leeg, sa mukha at may pasa sa binti. Isa pa sa mga nakita ng ating imbestigador ay yung kaniyang suot na short ay baligtad na rin pala," lahad niya.

Ilalabas daw ang official report ng SOCO sa Huwebes. -- FRJ, GMA News