SINGAPORE - Wala umanong account si Senador Antonio Trillanes IV sa DBS Bank sa Singapore, ayon sa branch manager nito. Taliwas ito sa naging alegasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa mambabatas.
Personal na nagtungo si Trillanes nitong Martes ng umaga sa DBS branch sa Alexandra Road para humingi ng impormasyon tungkol sa iniuugnay sa kaniyang bank account, partikular na ang DBS account numbered 178000296012.
Dala ni Trillanes ang kaniyang pasaporte, Senate ID, at printout ng mga dokumento na kumalat sa social media tungkol sa umano'y sinasabing bank account niya.
Pagkaraan ng ilang minuto ng pagsusuri, sumagot umano ang bank teller kay Trillanes na: "There's no such account."
Nang tanungin si Trillanes kung saan nito nalaman ang detalye tungkol sa sinasabing bank account, ipinaliwanag ng senador na mismong ang pangulo ng Pilipinas ang nag-akusa sa kaniya na mayroon siyang naturang account.
Una rito, sinabi ni Duterte na mayroong "193,000" si Trillanes sa DBS account pero hindi sinabi ng pangulo kung ano ang currency ng naturang halaga.
Humingi rin si Trillanes ng sertipikasyon mula sa bangko para patunayan na wala siyang account dito pero tumanggi ang bangko dahil hindi nila ito kliyente.
BEBERIPIKAHIN
Nang hingan ng reaksyon ang Malacañang tungkol sa pahayag ni Trillanes, sinabi ni presidential spokesperson Ernesto Abella na kailangan pa nila itong beripikahin.
Iginiit ni Abella na nagsagawa ng background check si Duterte tungkol sa umano'y DBS Bank account ni Trillanes.
“It is something to be verified… The President already checked into the background of that particular account,” anang opisyal.
Sinabi ni Duterte noong Biyernes na mayroon din daw bank account si Trillanes sa Zurich pero isinara na umano.
“Our providers suggested that before closing his Zurich bank account and Singapore bank account––since all of these accounts are single accounts without co-depositor––additionally the information that we provided has existing slips as evidence of these two accounts and were acknowledged to be in existence,” anang pangulo
“The U.S. bank account number 927519921320 in Zurich has a balance of $75,000 or Philippine 3,801,385.05. The DBS account number 178000296012 in Singapore has a balance of 193,000,” dagdag niya.
WALANG HONGKONG SHANGHAI BANK
Nagtungo rin si Trillanes sa Raffles City Tower at ipinakita sa mga mamamahayag ang business listing na magpapatunay na walang "Hongkong Shanghai Bank" o The Hongkong and Shanghai Banking Corporation Limited o HSBC.
Ginawa ito ni Trillanes para pasinungalingan ang inilabas na dokumento ni Ben Tesiorna, may-ari ng Davao Breaking News - 2, at lumabas din sa social media ni Communications Assistant Secretary Mocha Uson, na nagsasaad na nagbukas ang senador ng account sa "Hongkong Shanghai Bank" sa Raffles Branch sa Singapore noong July 2013.
Ang naturang impormasyon na mula kay Tesiorna ay na-share din umano sa Facebook page ng journalist na si Erwin Tulfo.
Bagaman wala sa listahan ang nabanggit na bangko, inalam pa rin ni Trillanes kung mayroong HSBC branches sa Raffles area.
Kaugnay nito, muling hinamon ni Trillanes si Duterte na pumirma ng bank secrecy waivers para malaman kung totoo na may mga tagong yaman ang pangulo.
“Pumirma ka na ng waiver para malaman naman ng taumbayan kung ikaw ay hindi kurakot, alang-ala na lang sa mga loyalista mong naiiwan na kahit anong gawin mong kabalbalan ay naniniwala sa’yo. Alang-ala sa kanila, ipakita mo na hindi ka kurakot,” hamon ni Trillanes.
“Pumirma ka ng waiver kasi ako pumunta ako dito para ipakita na wala akong tagong-yaman. I will go to such great lengths to clear my name and at the same time prove na sinungaling ka,” dagdag niya.
Dati nang inakusahan ni Trillanes si Duterte na mayroong mahigit P2 bilyon sa bangko. -- Kathrina Charmaine Alvarez/FRJ, GMA News
