Isang araw matapos makakuha ng protective custody mula sa National Bureau of Investigation (NBI), inihayag ng taxi driver na si Tomas Bagcal ang bagong istorya sa nangyaring pagholdap umano sa kaniya ng napaslang na si Carl Angelo Arnaiz sa Caloocan City noong nakaraang buwan.
Kung noong Setyembre 10 ay sinabi ni Bagcal na tinutukan siya ng baril ng 19-anyos na si Arnaiz, at mag-isa lang ito sa kaniyang taxi nang gawing ang panghoholdap, ngayon ay sinabi ng drayber na kasama na sa taxi ang 14-anyos na Reynaldo "Kulot" De Guzman.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ni Bagcal na patalim lang ang dala umano ni Arnaiz at hindi baril.
"Knife, sir, knife. (Walang baril?) Wala, wala," ayon sa drayber.
Si Arnaiz ay sinasabing binaril ng mga pulis-Caloocan na sina Police Officers 1 Jeffrey Perez at Ricky Arquilita, dahil nanlaban umano ang binata matapos gawin ang panghoholdap.
Nakita naman ang sinasabing bangkay ni De Guzman na tadtad ng saksak sa Nueva Ecija pagkaraan ng ilang linggo. Gayunman, duda ang pulisya na si De Guzman ang naturang bangkay.
Ayon sa unang kuwento ni Bagcal, nahuli umano niya si Arnaiz nang hindi pumutok ang dalang baril at sa tulong ng ilang residente. Dinala umano niya sa himpilan ng pulisya nana buhay si Arnaiz pero wala umano itong kasamang binatilyo.
Sa pagsama ni Bagcal sa mga operatiba ng NBI sa pagtungo sa pinangyarihan daw ng panghoholdap, sinabi ng drayber na sumakay sa kaniya sina Arnaiz at De Guzman sa Pasig City at nagdeklara ng holdap pagdating nila sa 5th Avenue.
Tinutukan umano siya ng patalim ni Arnaiz sa leeg, habang natutulog umano si De Guzman.
"Noong nag-commotion at nag-[announce] na ng hold-up, nagising na 'tong si Kulot," Bagcal. "Umiiyak siya na 'Kuya, hindi ako holdaper, sinama lang ako ni... ano. Siya 'yung holdaper. Tinuturo na niya.'"
Sa tulong umano ng ilang residente, nadakip nila si Arnaiz at dinala sa Police Community Precinct (PCP) 2, kasama si De Guzman.
Binugbog umano sa loob ng presinto si Arnaiz hanggang sa mag-utos daw ang isang opisyal na "itapon 'yan."
"Ang sagot nitong sir Lakay, 'itapon 'yan'... Alam ko ang ibig sabihin noon. Itapon. Papatayin na 'yon. Kaya sabi ko, sir, 'Hindi ganoon lang'...Tapos lumabas na 'ko," patuloy ni Bagcal.
Isinakay umano niya ang dalawang pulis at sina Arnaiz at De Guzman sa taxi pero hindi na ito nagbigay pa ng ibang detalye sa mga sumunod na pangyayari.
Sasabihin daw niya sa NBI ang iba pang nangyari.
Sinabi ni Bagcal na handa siyang tumulong para malinawan ang imbestigasyon sa nangyari kina De Guzman at Arnaiz.
Nang tanungin kung bakit nag-iba ang kaniyang kuwento sa nauna niyang istorya, tugon ng drayber, "Kinabahan ako. Kung kaya nilang pumatay ng ganoon, kako, sa isip ko lang, eh kaya rin akong isabay nang patayin ng ganoon."
Matatandaan na nakita ng mga kaanak ang bangkay ni Arnaiz sa punerarya noong Agosto 28 matapos na mawala ng ilang araw.
Hindi naman naniniwala ang kaniyang mga kaanak na nangholdap si Arnaiz. --FRJ/KVD, GMA News
