Nilagdaan ni Makati Mayor Abby Binay nitong Martes ang ordinansa na magpapatupad ng bagong curfew ordinance para sa mga kabataang wala pang 18 ang edad at pababa.

Sa ilalim ng City Ordinance No. 2017-098 o "The Child Protection Ordinance of the City of Makati," magsisimula ang curfew o bawal nang gumala sa labas ng kanilang tahanan ang mga kabataan mula 10:00 p.m. hanggang 4:00 a.m.

Mananagot ang mga magulang o guardian ng mga kabataan na mahuhuling lalabag sa ordinansa.

Sa unang paglabag, sususpindehin ang mga benepisyong ibinibigay ng lokal na pamahalaan sa mga magulang ng first-time curfew violators kung mabibigo silang ipatupad ang kautusan at makibahagi sa parenting seminar.

Sa ikalawang paglabag, pagmumultahin ang mga magulang o guardian ng P2,000 o parusang pagkakakulong ng hindi hihigit sa limang araw, o parehong ipapataw, batay sa magiging desisyon ng korte.

Pinaalalahanan ang alkalde ang mga kapitan ng barangay sa lungsod na maging mahigpit sa pagpapatupad ng curfew na bahagi ng kanilang tungkulin.

Nanawagan din si Binay sa mga magulang at guardian na pangalagaang mabuti ang kaligtasan ng mga menor de edad, at pauwiin na sa kanilang mga bahay bago pa dumating ang oras ng curfew.

Sa oras ng curfew, bawal na ang mga menor de edad na makitang gumagala sa mga kalsada, highway, bangketa, parking lot, bakanteng lote, parke, eskinita, palaruan, at iba pang mga pampublikong lugar at gusali.

Hindi rin dapat makita ang mga kabataan habang curfew hours sa mga
establisimyento tulad ng mga kainan, computer shop, internet café, mga amusement places, at maging sa loob ng mga sasakyan.

Makalilibre naman sa ordinansa ang bata kung may kasamang magulang o guardian,  maliban na lamang kung ginagamit siya ng nakatatanda sa pagsasagawa ng isang krimen o iligal na aktibidad.

Exempted din sa curfew ang menor de edad kapag may emergency na kailangan niyang gawin para sa pamilya, o kung pauwi na galing trabaho, paaralan o anumang religious activity, at makapagpapakita ng certificate of attendance bilang patunay ng naturang aktibidad. -- FRJ, GMA News