Natagpuan sa isang creek ang bangkay ng isang binatilyong umano'y lulong sa solvent sa bayan ng Cabuyao sa lalawigan ng Laguna.
Nakabalot sa plastic bag at isinilid sa sako ang bangkay, ayon sa mga awtoridad.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" ni Vonne Aquino nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Marlon dela Cruz, na may malalim na sugat sa batok sanhi ng pananataga gamit ang itak, ayon din sa SOCO report ng Cabuyao PNP.
May mga gasgas din sa mukha ng biktima na posibleng nakuha sa pagkakaladkad sa kanya.
Ayon sa mga opisyal ng barangay, patung-patong na reklamo ang dating kinaharap ni Dela Cruz dahil sa kanyang paggamit ng solvent, kabilang na ang pagnanakaw at pagtangkang pagsaksak sa sariling ina.
Ngunit sinabi naman ng mga pulis na posibleng nakaalitan ng biktima ang may utak sa krimen na ikinamatay nito. —Jamil Joseph Santos/LBG, GMA News
