Pinabulaanan ni Dingdong Dantes na nagbigay siya ng komento patungkol kay Vice President Sara Duterte na ipinost ng isang netizen sa Facebook.

Sa kaniyang Facebook account, ibinahagi ng Kapuso Primetime King ang isang screenshot ng naturang post mula sa isang netizen na nagpapakita na umano’y sinabi niya patungkol sa bise presidente.

"Dingdong Dantes said! Nakakatakot pag nanalo si VP Sara. Nakikita ko sa kanya ang tapang talino at abilidad na may kakayahang mamuno gaya ng kanyang ama," nakasaad sa post.

Sa kaniyang caption sa screengrab na kaniyang ibinahagi, inilagay ni Dingdong na, "Hindi ko 'to sinabi."

Tinanggal na ng netizen ang naturang post at humingi ng paumanhin kay Dingdong.

Sa isang pang Facebook post, sinabi ni Dingdong na tinanggap niya ang paghingi ng paumanhin ng netizen.

"Nawa'y maging mas mapanuri po tayong lahat, lalu na sa misinformation at disinformation… at sa bawat diskurso, piliin sana natin ang respeto sa kapwa Pilipino. Peace!" paalala ni Dingdong.

Nitong nakaraang linggo, inanunsyo ni VP Duterte ang intensiyon niya na tumakbong pangulo sa 2028 national elections. —Hermes Joy Tunac/FRJ GMA Integrated News