Natiyempuhan ng isang magnanakaw na hindi nakakandado ang gate ng isang bahay sa Parañaque City, kaya madali niyang nalooban ang tirahan.
Napag-alaman naman ng may-ari na nanakawan din ang kanyang mga kapitbahay.
Sa ulat sa GMA News "Unang Balita" ni Raffy Tima nitong Biyernes, makikita sa CCTV ang maingat na pagpasok ng lalaki sa bahay sa Don Bosco, Parañaque nitong Martes ng 2 a.m., kung saan una niyang pinuntirya ang motor sa garahe.
Pasalamat ni Anghel Arboleda, may-ari ng motor, kakaiba raw ang susi ng kanyang motor.
"Dini-determine niya kung paano niya makukuha yung motor. Lucikly, nakuha ko itong motor, iba yung susi niya. Maraming nagsabi na friends ko, 'yung susi mo pare, mahirap ito kunin kasi hindi siya yung normal na susi," sabi ni Arboleda.
Matapos nito, umakyat ng ikalawang palapag ang magnanakaw at walang hirap na binuksan ang pintuan ng maliit na opisina.
Nahagip sa isa pang kuha ng CCTV na may hawak siyang card na posibleng ginamit para mabuksan ang pinto.
Nagbukas pa ng ilaw ang suspek, at isa-isa nang kinuha ang mga kagamitan sa bahay. Naghanap pa siya ng puwedeng paglagyan ng mga gamit.
Pagkababa, sinubukan pa ng suspek na buksan ang mismong pinto ng bahay, pero hindi na niya ito nabuksan.
Tumagal ang magnanakaw ng mahigit 10 minuto bago umalis na dala-dala ang isang laptop at mamahaling speaker.
Nakuha naman ang itsura ng magnanakaw, na ipinakalat na sa social media.
Sinabi ng ilang residente sa kalapit na kalye na nanakawan din daw sila sa halos kaparehong oras.
"Nakuha laptop din, then sa kabila naman na street, du'n banda sa El Dorado, motor naman daw, mga around 4, kasi 2 a.m. sa amin eh," ayon pa kay Arboleda.
Umamin naman ang may-ari ng bahay na may ilang pagkukulang din sila kaya sila ay napagnakawan.
"Number one, i-lock ang gate. Aside sa pag-lock ng door knob, siguro maglagay pa ng mga extra lock kasi marami na silang paraan to get inside your house," sabi pa ni Arboleda.
Dumulog na sila sa pulisya para i-report ang insidente.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang police station na malapit sa lugar. — MDM, GMA News
