Aabot hanggang tuhod ang baha na mabilis na tumaas sa sentro ng bayan ng Baao sa lalawigan ng Camarines Sur, matapos ang malakas na pag-ulan nitong Biyernes.

Sa ulat ni GMA News stringer Michael Biando, sinabing naapektuhan ng tubig ang mga motorista, pedestrian at mga may-ari ng mga vending stalls sa public market.

Ayon pa sa ulat, umabot ang baha hanggang sa Barlin Park at maging sa mga daan papasok ng simbahan ng St. Bartholomew Parish.

Bumagal din ang daloy ng trapiko sa lugar.

Isa sa mga pangunahing problema ng Baao ang pagbaha, na ilang dekada nang hindi masolusyunan, ayon sa ulat.

Bukod sa "silted" ang Lake Baao, barado rin ang ilang drainage systems kaya hindi maayos ang daloy ng tubig.

Hindi pa naglalabas ng pahayag ang lokal na pamahalaang-bayan. —Jamil Joseph Santos/LBG, GMA News