Isang Sport Utility Vehicle (SUV) ang nahulog sa sapa sa Badoc, Ilocos Norte na nagresulta sa pagkasawi ng dalawang tao at ikinasugat ng apat na iba pa.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente sa bahagi ng Barangay Santa Cruz.

Ayon sa mga awtoridad, kabilang sa apat na sugatan ang driver ng SUV.

Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na nakaidlip ang driver habang nagmamaneho kaya nawalan siya ng kontrol sa manibela hanggang sa mahulog sila sa sapa.

Sinisikap pa na makuhanan ng pahayag ang driver at iba pang nakaligtas sa sakuna, ayon sa ulat. – FRJ GMA News