Marami ang nanghihinayang sa maagang pagpanaw ni Rene Baterbonia matapos malunod habang nasa training ng kanilang koponan na Ateneo Blue Eagles sa Aurora. Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinakita ang lugar kung saan nagsimulang hasain ni Rene ang husay niya sa basketball.

Sa kaniyang bayan sa Talacogon, Agusan del Sur, dama ang pagdadalamhati ng kaniyang mga kababayan sa pagpanaw ng tinawatag nilang “Mr MVP,” at kilala rin sa tawag na “Bobet.”

Ang nagdadalamhati rin na si Filomino Blancaflor Jr., high school coach ni Rene, sinabing iningatan nila ang basketbolista pero sa isang iglap ay nawala umano ang lahat para kay Rene.

Sa Barangay San Nicolas, namulat sa payak na buhay sa Rene, na pangalawa sa pitong magkakapatid. Tricycle driver ang kanilang ama na si Boboy, at tindera ng isda ang kaniyang ina.

Ang naturang sitwasyon nila sa buhay ang dahilan para paghusayan ni Rene ang kaniyang pagba-basketball na nakita niyang paraan para mahango niya sa kahirapan ang kaniyang pamilya.

Ang kaniyang lolo na si Renato ang nakakita raw ng potensiyal kay Rene na magiging isang mahusay na basketball player. Pero ayon sa Renato, hindi kaagad nakahiligan ng kaniyang apo ang naturang sport.

Tila namana raw ni Rene sa ama na si Boboy ang husay nito sa basketball, ayon kay lolo Renato.

“Aang tatay niya, siya ang best player ko parati dahil magaling talaga ang papa niya,” ani Renato. “Walang hilig sa basketball ‘yan [si Rene noong una.]”

Ayon pa kay Renato, 13-anyos na si Rene nang hikayatin niya itong maglaro ng basketball “kasi sayang ang height mo.”

Nang maglaro, nakitaan daw niya ito ng potensiyal.

Sa basketball court sa kanilang baryo na lupa at hindi patag nagsimulang maglaro si Rene. Doon din niya hinubog ang kaniyang tatag.

Ang board naman na gawa sa kahoy unang pinag-aralan ni Rene ang kaniyang signature dunk na hinahangaan sa kaniyang mga laro.

“Itong ring na ito, dina- dunk ito ni Bobet. Minsan nagigiba,” ayon sa isang residente.

“Kapag nasanay ka na sa ganitong lupa maam [na court], pagdating mo sa court (na patag) parang simple na lang sa iyo ang maglaro,” saad naman ng isa pa.

Mula rito, sumabak na si Rene sa mga paliga sa kanilang bayan kasama ang kaniyang lolo.

“Kahit saan pupunta kami, mag-ano kami ng sasakyan kahit magastos. Kapag nakahawak kasi ng bola, maka-shoot siya, ang mga tao tatayo, palakpak, sigaw,” sabi ni lolo Renato.

Hanggang sa nakasama na si Rene na maglaro para sa Region 11 at pangunahan ang koponan upang maging kampeon sa Palarong Pambansa 2025, at itinanghal siyang Most Valuable Player.

Kaya labis din ang saya ni lola Renato nang malaman niya na sasabak na sa UAAP ang kaniyang apo sa koponan ng Ateneo Blue Eagles.

Bumili pa siya ng malaking TV upang doon sana panoorin ang apo kapag naglaro na sa UAAP.

Ngunit ang lahat, naglaho na parang bula matapos mangyari ang trahedya sa Aurora at kasamang nalunod ni Rene ang isa pang manlalaro na si Divine Adili.

“Talagang sayang si Rene. Sayang na sayang talaga,” sambit ni lolo Renato.

Tunghayan sa video ang buong ulat ng KMJS tungkol sa nangyari kina Rene at Divine. Panoorin. – FRJ GMA News