Inihayag ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na nakipag-ugnayan sila sa pamilya ng miyembro nito na hindi umano nabigyan ng kaukulang tulong at benepisyo dahil pumanaw sa ospital nang wala pang 24-oras na naka-confine.

“PhilHealth immediately mobilized upon learning of the incident to understand and address the situation. We have reached out to the member’s wife and have agreed on the next steps as we explore all avenues of support,” saad ng PhilHealth sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Lunes.

Idinadagdag ng PhilHealth, na nakikipag-ugnayan na rin sila sa mga ospital na may kaugnayan sa kaso upang higit na maunawaan ang nangyari.

“Please know that PhilHealth will always stand with our members, especially in their time of need,” dagdag nila.

Noong Biyernes, naging viral sa social media ang post ng asawa ng namatay na miyembro ng Philhealth matapos niyang ikuwento ang kanilang naging karanasan matapos na makaranas ng brain hematoma ang kaniyang mister.

“We became part of the unfortunate families forced to choose between life and death because we simply did not have millions of pesos for a life-saving operation,” saad ng ginang sa post.

Sinabihan umano sila sa dalawang ospital na kanilang pinuntahan na aabot sa P2 milyon hanggang P4 milyon ang halaga ng operasyon sa kaniyang mister na hindi nila kayang bayaran.

Ang isang ospital, hiningan umano sila ng P1 milyon deposito para isagawa ang operasyon. Ngunit dahil sa hindi nila kayang ibigay ang hinihinging deposito, hinintay na lang nilang pumanaw ang kanilang mahal sa buhay.

At bagaman wala pang 24 oras sa ospital ang nasawing miyembro, umabot umano sa P200,000 ang kailangan nilang bayaran. Kaya naman umasa silang makatutulong sa kanila ang PhilHealth upang mabawasan ang kanilang bayarin.

Ngunit wala umano silang nakuha dahil may patakaran umano sa Philhealth tungkol sa mga pasyente na hindi umabot sa 24 oras ang pagkaka-confine.

“What is the purpose of #PhilHealth if the people who have contributed for decades cannot access the benefits when they need them most?” saad ng ginang sa post.

Sinabi ng PhilHealth na batid nila ang kumalat na post at lubos nitong nauunawaan at nakikiramay sa pamilya ng yumao.— Lyjah Tiffany Bonzo/FRJ GMA News