Nasawi ang isang 38-anyos na high school teacher matapos siyang bugbugin umano at painumin ng muriatic acid ng isang 24-anyos na estudyante na hindi niya pinahiram ng pera sa Bacolod City.
Sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Lunes, sinabi ng mga awtoridad na natagpuan ang biktima sa mismong bahay nito, at inabutan din doon ang suspek.
“Pagpasok, may nakita siyang taong may hinihinalang isa pang tao. Hubo’t hubad. Sunog ang [mukha]. Inamin rin niyang binugbog niya muna ito bago pinainom ng muriatic acid,” ayon sa Barangay Alijis Chief Tanod na si Benedick Isidro.
Naaresto ang suspek matapos na bigong makaalis sa bahay.
“Pumasok siya sa CR. Umakyat din sa kisame. That time, wala na siyang lalabsan, hanggang sa nawasak ang kisame na metal furring,” ayon kay Isidro.
Ayon sa pulisya, pinuntahan ng suspek ang biktima sa bahay at nakipag-inuman bago mangyari ang krimen.
“Nangangailangan siya ng pera at humihiram sa biktima,” sabi ni Bacolod City Police Station 7 Chief PCPT. Jay-R Reyes.
Sinampahan ng reklamong murder ang suspek na tumangging magbigay ng pahayag.
Isasailalim naman sa awtopsiya ang mga labi ng biktima. - Lyjah Tiffany Bonzo/FRJ GMA News
