Sugatan ang isang babae matapos na saksakin umano ng nakaalitan nitong babae na dati niyang kaibigan sa Maynila nang dahil lang sa Facebook post.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Lunes, kinilala ang biktima na nagtamo ng dalawang saksak sa likod na si Sheena Sayo.

Sumuko naman sa barangay ang nakaaway nito na si Camille Paras.

Sa video footage, makikita ang pag-awat ng mga tao kina Sayo at Paras habang nagsasabunutan.

Hindi nagtagal, bumunot ng patalim si Paras at inundayan ng saksak si Sayo na kaagad na dinala sa ospital.

Nag-ugat umano ng away nang paghinalaan ni Paras si Sayo sa lumabas na larawan sa social media.

Sa larawan, kahalikan umano ni Paras ang dating nobyo ni Sayo.

Nakadetine ngayon si Paras at nahharap sa kasong frustrated murder.

Sa hiwalat na ulat ng GMA News "Saksi," sinabing hindi palalampasin ng 18-anyos na si Sayo ang ginawa sa kaniyang ng kaniyang dating kaibigan na si Paras, 21-anyos.-- FRJ, GMA News