Hawak na ngayon ng Philippine Drug Enforcement Agency  ang dalawang senior high school students sa Maynila matapos silang isuko ng kanilang mga guro dahil sa paggamit ng marijuana sa loob ng paaralan.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" ni Jay Sabale nitong Biyernes, sinabing mananatili sa PDEA ang nahuling 18-anyos na estudyante, samantalang ililipat naman sa DSWD ang 17-anyos niyang kasama.

Isinalaysay ng dalawang guro sa kanilang affidavit na may naamoy silang marijuana na tila nanggagaling sa palikuran ng paaralan, ngunit wala nang tao kaya sinundan nila ang dalawang estudyanteng huling lumabas dito.

Dagdag pa ng mga guro, mayroon daw kinuha sa medyas at itinapon ang isa sa dalawang estudyante habang papunta sila sa Office of Student Affairs (OSA).

Pagdating sa tanggapan, nakuhanan na rin ang isang estudyante ng isang stick na hinihinalang dahon ng marijuana sa kanyang gamit.

Inamin ng dalawa na gumagamit sila ng marijuana.

Sinabi ng isang estudyante, natutunan daw sa kaibigan ang paggamit nito.

"Kay tropa, barkada lang din po. Hindi ko po alam 'yung pangalan pero nag-meet lang po kami."

Nang tanungin kung paano sila nagtransaksyon, "Sa chat lang din po," sagot ng estudyante.

Mungkahi ng PDEA sa mga guro, dapat ang mga opisyal muna ng paaralan ang humawak sa kaso dahil mga estudyante at bata pa ang mga suspek.

Gayundi, iminungkahi nilang ipatawag muna ang mga magulang ng dalawang bata at kausapin kasama ng mga opsiyal ng eskwelahan.

"'Pag may ganyang nahuli sila na ano, usually, dapat 'yan, sa higher official ire-report nila yang mga ganyang ano... Kung mare-resolve nila yan du'n sa school level, mas maganda para maprotektahan din 'yung mga bata," ayon sa isang PDEA agent. —Jamil Joseph Santos/LBG, GMA News