Patay ang isang manggagawa sa isang babuyan sa Cotabato sa pamamaril mismo sa araw ng kanyang birthday.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nangyari ang krimen sa bayan ng Koronadal, at nadatnan na lamang ng mga kamag-anak ang biktiman na nakahandusay at wala ng buhay.
Sa GMA News "Unang Balita" ni Jay Sabale nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Rodelio Arambia, na natagpuang patay sa loob ng isang kubo malapit sa kanilang bahay.
Inihayag ng kaniyang kapatid na nakarinig sila ng mga putok ng baril mula sa kubo na kinaroroonan ni Arambia.
Inaalam na ngayon ng mga awtoridad kung sino ang salarin at kung ano ang motibo sa krimen.
Pananakit
Samantala, Sa Baao, Camarines Sur, kalaboso ang isang lalaki dahil sa pananakit sa dati niyang kinakasama.
Ayon sa ulat, tumulong ang taombayan para maawat sa pananakit ang suspek na si Davin Tibayan at madala ang suspek sa presinto.
Kuwento ng dati niyang kinakasama, susunduin sana niya ang kanilang anak sa paaralan pero nagulat siya nang makitang kasama na ito ni Tibayan.
Nang kukunin na niya ang anak, dito na siya sinuntok at tinadyakan ni Tibayan.
Ayon pa sa kaniya, matagal na niyang hiniwalayan ang suspek dahil sa pananakit, at napagkasunduan nilang sa kaniya ang kustodiya ng anak.
Hindi naman nagbigay ng pahayag ang suspek.
Panggagahasa
Samantala sa Bato, Camarines Sur, ilalagay sa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development ang isang 15-anyos na lalaki na inirereklamo ng panghahalay sa isang 19-anyos.
Nangyari umano ang paghahalay noong Mayo.
Samantala, tinutugis na rin ngayon ang isa pang lalaki na kasabwat umano ng suspek.
Hindi naman inamin ng suspek ang kaniyang ginawa. —Jamil Joseph Santos/LBG, GMA News
