Kahit maliwanag at maraming tao, pinasok ng mga armadong lalaki ang isang makipot na kalye sa Pasay City para patayin ang isang retiradong pulis. Nasugatan naman ang isang mag-ina nang tumakbo sa kanilang bahay ang biktima na hinabol pa rin ng salarin.
Sa ulat ni Jam Sisante sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, makikita sa CCTV camera ang pagdating ng anim na lalaki na sakay ng tatlong motorsiklo sa Barangay 4, Zone 2 sa Pasay.
Tatlo sa mga suspek ang naglakad at pumasok sa isang kalye habang pinatabi naman ng mga naiwan ang mga taong nakatingin sa kanila.
Pinuntahan ng tatlo na naglabas ng baril ang biktimang si retired Senior Police Officer 2 Patrick Palisoc, na nakaupo sa tabi ng daan at agad na pinaputukan.
Nakatakbo pa ang biktima pero sinundan pa rin ng salarin.
Maya-maya pa, lumabas muli ang salarin at umalis na ang grupo.
Patay si Palisoc, habang dinala naman sa ospital ang kapitbahay niyang dalagita na tinamaan sa hita, habang sa balakang ang tama ng ina nito.
Sinabing tumakbo ang biktima sa bahay ng mag-ina at doon inabutan ng salarin.
Ayon sa pulisya, patuloy pa ang imbestigasyon nila sa naturang insidente at inaalam nila ang mga kaso na dating hawak ng biktima o kung mayroon itong mga nakaaway.
Tumanggi namang magsalita ang mga tao sa lugar pati na ang pamilya ng biktima.-- FRJ, GMA News
